Madaragdagan ng 13 taon ang buhay ng pondo ng Social Security System (SSS) matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Republika 11199 o Social Security Act of 2018.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, mula sa kasalukuyang pondo na aabot hanggang 2032, inaasahan na ito ay aabot hanggang 2045, kasabay nang pagpapatupad ng pagtaas ng kontribusyon at ng minimum at maximum monthly salary credits (MSC) sa ilalim ng bagong batas.
Nilalayon ng RA 11199 na palakasin ang ahensya sa pamamagitan nang implementasyon ng unti-unting pagtaas ng buwanang kontribusyon mula sa kasalukuyang 11 porsyento na magkakaroon ng dagdag na 1 porsyento simula sa taon ng pagpapatupad hanggang sa makaabot sa 15 porsyento sa 2025, kasabay din nito ang unti-unting pagtaas ng minimum at maximum MSC.
Base sa pag-aaral ng SSS Actuarial and Risk Management Group, magkakaroon ng karagdagang P31 bilyon sa koleksyon ng kontribusyon ng ahensya sa 2019 kung maipatutupad ang pagtaas ng kontribusyon sa 12 porsyento, gayundin ang pagtaas ng minimum at maximum MSC.
Noong 2026, mayroong pondo ang SSS na aabot sa 26 taon o hanggang 2042. Nabawasan ito ng 10 taon noong 2017 ng ibinigay ang P1,000 karadagdagang benepisyo para sa mga pensyonado. Umabot sa halos P33.26 bilyon ang ibinayad ng SSS noong 2017 para maipatupad ang P1,000 dagdag-benepisyo sa mahigit 2.3 milyong kwalipikadong pensyonado.
“Nais naming makiusap sa aming mga miyembro na makita sana nila ang mga pagbabagong ito bilang dagdag nilang ipon at hindi pahirap sa kanila. Sinisiguro rin namin na ang SSS ay mayroong sapat na pondo para sa kanilang mga dagliang pangangailangang pang-pinansyal sa mga panahon ng pangangailangan,” sabi ni Dooc.
“Kasabay ng mga pagbabagong ito, gaganda rin ang mga benepisyo at pribilehiyo ng ating mga miyembro. Halimbawa, ang miyembro na may buwanang sweldo na P20,000 at nakapag-bayad ng 12 kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit, ang kanyang sickness benefit ay magiging P600 kada araw mula sa kasalukuyang P480 kada araw,” sabi ni Dooc.
Para sa parehong buwanang kita na P20,000, inaasahan din na tataas ang average na buwanang pensyon sa P8,000 mula sa kasalukuyang average na P6,400.
“Nagbibigay din ang RA 11199 ng unemployment insurance para sa mga manggagawang biglang matatanggal sa trabaho. Sa ilalim ng batas na ito, ang mga manggagawang natanggal sa trabaho ay makakukuha ng tulong-pinansyal sa loob ng dalawang buwan na nagkakahalaga ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit,” sabi ni Dooc.
Sa kasalukuyan, ang mga miyembro ng SSS ay may mga benepisyo para sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay.
Gayundin, may nakalaang proteksyon ang batas para sa lumalaking bilang ng mga Filipino na nagta-trabaho sa ibang bansa dahil ginawa ng pangkalahatan ang social security coverage ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
“Ang mga Filipino na nagta-trabaho sa ibang bansa ay mas nahaharap sa panganib dahil sila ay nakikipagsapalaran sa hindi pamilyar na kapaligiran habang sila ay naghahanap-buhay para sa kanilang mga pamilya. Layunin namin na ang lahat ng OFW ay maging protektado sa ilalim ng SSS,” sabi ni Dooc.
Ayon kay Senador Richard Gordon, ang pangunahing may akda at isponsor ng batas, ipapamulat ang SS Act of 2018 sa mga miyembro ang kahalagahan ng “work, save, invest, and prosper.”
“Hindi ipinapangako ng batas ang kasaganaan ng yaman ngunit ang proteksyon ng mga miyembro sa mga di inaasahang pangyayari sa kanilang buhay sa pamamagitan ng isang lifeline na sila mismi ang gumawa dahil sa mga inihulog nilang kontribusyon,” sabi ni Gordon.
Hinihintay na lamang ang Implementing Rules and Regulations ng bagong batas matapos itong mailathala sa Official Gazette o pahayagan na may general circulation.