OBANDO, Bulacan — Ipinagpapasalamat ng mga Obandenyo sa pagdiriwang ng Earth Day ang apat na taong singkad na hindi na pagbabaha sa bayan.
Sa ginanap na selebrasyon nitong Linggo, ibinalita ni Mayor Edwin Santos na mula noong 2016 ay hindi na bumabaha sa Obando dahil sa proyektong Valenzuela-Obando-Meycauayan Flood Control Project.
Ito ang 12 kilometrong dike na ipinalibot ng Department of Public Works and Highways sa baybayin ng Obando na nakaharap sa Manila Bay.
Nilagyan ito ng walong mga pumping station na siyang nagbobomba ng sobrang tubig ulan palabas sa Manila Bay. Bago ang 2016, madalas ang pagbabaha sa Obando kahit hindi panahon ng tag-ulan dahil sa high tide.
Malaking pinsala ang naidudulot ng nasabing malakihang pagbabaha sa Obando noon sa araw-araw na pamumuhay ng mga tagarito dahil nalulubog ang mga paaralan, ospital, palengke at iba pang establisemento.
Naapektuhan din noon ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa palagiang pagtapon ng mga isda mula sa mga palaisdaan at ang paghahalo ng basura rito.
Dahil apat na taon nang hindi binabaha, sinabi ni Environment and Natural Resources o DENR Secretary Roy Cimatu na dapat harapin naman ngayon ang pagsagip sa saribuhay o biodiversity.
Sa talumpati ng kalihim na binasa ni DENR Regional Executive Director Paquito T. Moreno Jr, nasira ang biodiversity ng bansa dahil sa kapabayaan ng mga tao, pagkuha at pagtitinda nito.
Bagama’t trabaho aniya ng ahensya na pangalagaan ang mga ito, malaking bagay pa rin kung makikiisa ang mga karaniwang mamamayan.
Katunayan, bagama’t malaking pagbabago ang apat na taong hindi pagbabaha sa Obando, patuloy ang pagbaba ng mga huling isda sa baybayin nito sa Manila Bay.