LUNGSOD NG TARLAC — May 530 kapulisan ang idineploy sa Tarlac para tiyakin ang maayos at payapang pagdaraos ng Halalan 2019.
Ayon kay Police Provincial Director Police Colonel Jesus Rebua, lubos na nakahanda ang hanay ng kapulisan sa lalawigan para sa gaganaping botohan sa Mayo 13.
Mayroon din 31 na sundalo mula sa hanay ng Army Mechanized Infantry Division ang magiging kaagapay ng kapulisan sa pagsisiguro ng katiwasayan ng eleksyon gayundin ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bukod dito, nakahanda rin ang mga kagamitan ng bawat hanay na naitalaga sa 480 voting centers o humigit kumulang limang libong mga presinto sa lalawigan.
Paglilinaw ng kapulisan, nakamonitor sila sa ilang bayan ng lalawigan kung saan may naitalang insidente ng gulo noong mga nakaraang eleksyon.
Kabilang dito ang mga bayan ng Concepcion, Capas, Bamban, Camiling, La Paz at Paniqui.
Hinihikayat din ng kapulisan ang publiko na maging mapagmatiyag at magbigay ng mahahalaga at akmang impormasyon sa mga awtoridad patungkol sa kahina-hinalang mga gawain kaugnay sa isasagawang eleksyon.
Maaaring kontakin ang sumusunod Hotlines- 09988619291 o 09178326417.