Pag-angat ng Pilipinas sa Global Innovation Index, target ng DOST

LUNGSOD NG MALOLOS — Sentro sa mga prayoridad ng Department of Science and Technology o DOST ang pagsisikap na maiangat ang katayuan ng Pilipinas sa Global Innovation Index. 

Sa kanyang talumpati sa Taunang Pagtatapos ng mga mag-aaral sa kolehiyo sa kursong inheneriya ng Bulacan State University, sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Pena na mula sa kasalukuyang pang 73 sa 127 na mga bansa ay target ng ahensya na maiposisyon ito sa pagitan ng pang 40 hanggang 50 sa taong 2022. 

Ipinaliwanag ng kalihim na upang matupad ito, may limang puntos na kinakailangang tutukan at matiyak ang epektibong pagpapatupad. 

Una na rito ang institutional infrastructure gaya ng epektibong pagkakaloob ng mataas na antas ng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, kagalingang panlipunan at pangkultura. 

Pangalawa ang pagseseguro na mataas ang kalidad ng mga mag-aaral na nagsipagtapos sa kolehiyo, pangatlo ang pagpapabuti ng mga nalilikhang produkto at ang pagpapalawak ng nararating nitong produkto, pang-apat ay ang pagkakaroon ng positibo at matinong resulta ng research and development. 

Panglima naman ang pagpapabilis ng sistema sa pagtatayo at pagbubukas ng mga negosyo at pamumuhunan. Bagama’t ganap nang batas ang Ease of Doing Business Act of 2018 o ang Republic Act 11032, ayon kay Dela Pena, kinakailangang umiral agad ito upang maramdaman ng karaniwang Pilipino partikular na ang mga kabataang nagsisipagtapos.

Matatandaan na kabilang sa 10 Socio-Economic Agenda ng administrasyong Duterte ang pamumuhunan sa Science, Technology and Innovation upang matamo ang pagkakaroon ng isang matatag, maginhawa at panatag na buhay na nakapaloob sa 2017-2022 Philippine Development Plan. (PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews