Isasara ng North Luzon Expressway (NLEX) ngayong Martes ng gabi (Agosto 6) ang Bocaue River Bridge sa NLEX Southbound lane upang bigyan daan ang concrete pouring and curing nito na bahagi ng Rehabilitation Stage 1 ng nasabing tulay.
Ayon kay Kit Ventura, head ng NLEX Communication Office, ang nasabing traffic advisory ay upang impormahan ang libu-libong motorista na regular na dumadaan dito na magmumula sa Sta. Rita at Tabang area sa Guiguinto at sa northern part patungong Balintawak.
Sinabi ni Ventura na ang Southbound portion ng Bocaue River Bridge o papuntang direksyon ng Balintawak ay isasara ng labing-apat na oras Martes ng gabi bandang alas-10:00 hanggang kinabukasan Miyerkules dakong alas-12:00 ng tanghali para bigyan daan ang pagbubuhos ng semento at treatment ng nasabing ongoing bridge rehabilitation and strengthening program.
Dalawang counterflow ang itatalaga sa nasabing oras kung saan ang mga motoristang papuntang Balintawak ay dapat papasok sa unang counterflow opening pagkaraan ng Petron Balagtas habang ang mga motoristang lalabas naman ng Bocaue papuntang Manila North Road at sa bayan ng Sta. Maria ay dapat pumasok sa susunod o ikalawang counterflow opening pagkaraan ng Taal bridge.
Ang mga motorista naman papuntang Tabang at Sta Rita o gawing norte ay dadaan naman sa itinalagang two-lane rule sa bahagi ng NLEX Northbound lane upang bigyan daan ang mga naturang counterflows.
Magtatalaga naman ng mga patrol officers at marshals na siyang gagabay at magsasa-ayos ng traffic flow para sa mga motorista, dagdag ni Ventura.