Mga Amo ng Kasambahay, kasama sa Condonation Program ng SSS

LUNGSOD NG MALOLOS — Kabilang ang mga amo ng mga kasambahay na maaring kumuha ng condonation ng Social Security System o SSS.

Ayon kay Malolos Branch Manager Francisco Paquito Lescano, ang ibig sabihin ng condonation ay tatanggap ang SSS ng mga hindi naibabayad o hindi ibinayad ng isang employer nang walang multa.

Kasama rito ang mga amo ng kasambahay dahil lumalabas aniya na employer sila at ang empleyado nila ay ang kanilang mga kasambahay. 

Pwedeng magbayad ang mga amo hanggang sa Setyembre 6, 2019 upang hindi mapatawan ng dalawang porsyentong multa. Sakop ng condonation ang mga hindi naihulog na kontribusyon mula Enero 2019 at paurong na mga buwan at taon.

Ayon pa kay Lescano, nakipag-ugnayan na ang SSS Malolos sa iba’t ibang home owners association sa buong unang distrito ng Bulacan na sakop ng sangay. 

Layunin nito na mabigyan ng pagkakataon na bayaran ng mga amo ang kontribusyon ng kani-kanilang mga kasambahay. Kabilang sa mga bayan na sakop ng SSS Malolos ay ang Hagonoy, Paombong, Bulakan, Calumpit at Pulilan.

Obligasyon ito ng bawat amo sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 10361 o ang Batas Kasambahay. Bukod dito, kinakailangan din na ang amo ay makapagbigay ng kopya ng Pay Slip sa kanyang kasambahay bilang katunayang naihuhulog ang kontribusyon sa SSS.

Ito ang unang pagkakataon na nagkakaloob ng condonation ang SSS sa nakalipas na 10 taon at kauna-unahan din mula nang maisabatas ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2019. 

Dahil sa batas na ito, hindi na kailangang paaprubahan pa sa Kongreso kung nais ng SSS na magkaloob ng condonation, bagkus ay ang Social Security Commission na lamang ang magdedesisyon. Paraan ito ng SSS upang mapalawig pa hanggang sa taong 2045 ang fund-life o buhay ng pondo.

Kaugnay nito, ibinalita rin ni Lescano na target ng SSS Malolos na makakolekta ng 28 milyong piso mula sa aktibong 1,829 na mga employers sa unang distrito ng Bulacan. Sa kasalukuyan, nasa 336 nang mga employers ang nagbigay na ng aplikasyon para sa condonation.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews