ZARAGOZA, Nueva Ecija — Opisyal nang inilunsad ang Expanded Survival and Recovery Assistance for Rice Farmers o SURE Aid Program sa lalawigan.
Ito ay pinangasiwaan mismo nina Agriculture Secretary William Dar, Land Bank of the Philippines President Cecilia Borromeo, DA Agricultural Credit Policy Council Executive Director Jocelyn Alma Badiola kasama sina Governor Aurelio Umali ng Nueva Ecija, Governor Rodolfo Albano III ng Isabela, Governor Susan Yap ng Tarlac, Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya at Governor Dakila Carlo Cua ng Quirino.
Ayon kay Dar, maraming suliraning dapat solusyunan sa industriya ng pagsasaka pangunahin ang marami pa ding mahihirap na magsasaka at kasalukuyang mababang presyo ng palay kung kaya’t inilunsad ang SURE Aid Program.
Pahayag ni Land Bank of the Philippines President Cecilia Borromeo, ito ay pangangasiwaan ng tanggapan at ng DA na layong matugunan ang kasalukuyang pangangailangang pinansiyal ng mga magsasaka dulot ng mababang presyo ng palay.
Ito aniya ay minsanang pagpapahiram ng nasa 15,000 piso nang walang kolateral at interes na babayaran hanggang sa walong taon.
Paglilinaw ni Borromeo, iba ang SURE Aid Program sa financial credit assistance na nakapaloob sa Rice Competitiveness Enhancement Program o RCEP na paglalaan ng gobyerno ng nasa 10 porsyentong budget mula sa Rice Fund.
Aniya, ang 1.5 bilyong pisong pondo ng SURE Aid ay mula sa DA na gagamitin bilang pangtawid ng nasa 100 libong magsasakang apektado sa mababang bentahan ng palay.
Kabilang sa mga kwalipikadong mapabilang sa programa ay ang mga magsasakang mayroong isang ektaryang sakahan o mas maliit pa at miyembro ng kooperatiba na kinikilala ng Agricultural Credit Policy Council at lokalidad.
Isang government issued ID at kopya ng Notification o Certification of Eligibility lamang ang kailangang ipakita at mag-fill-up ng loan application form at promissory note sa pinaka-malapit na lending center ng Land Bank of the Philippines.
Mayroon lamang kaunting babayaran na nasa 160 piso para sa documentation stamp tax at cash card na ibibigay.
Bukod sa mga indibidwal na magsasaka ay maaari ding makahiram ang mga service conduits gaya ng mga kooperatiba na maaaring maging daan upang mapaabot ang pautang sa mga miyembro.
Ilan sa mga kailangan nilang ipasa ay ang listahan ng mga kwalipikadong miyembro sa programa, Board Resolution na naglalaman ng financial assistance request, Authority to Debit, promissory note, at di bababa sa dalawang signatories.
Ang bawat service conduits na hihiram ay kinakailangang magpasa ng liquidation report at deed of assignment of sub-promissory notes 15 araw matapos matanggap ang naturang loan.
Ipinahayag din ni Borromeo, itinatag ang tanggapan para bigyang prayoridad ang mga magsasaka kung kaya’t makakaasa aniya ang mga kababayang magsasaka na tutugon ang tanggapan sa paglulunsad ng mga programang makatutulong sa krisis na kinahaharap ng industriya.
Ganito din ang mensahe ni Dar sa gampanin ng kagawarang matugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka katuwang ang mga pamahalaang lokal na mamumuhunan sa pagbili ng palay sa mga maliliit na magsasaka.
Isa pa sa binanggit ng kalihim na solusyon ay ang pakikipagtulungan sa ibang ahensya ng pamahalaan gaya ang ugnayan sa Department of Social Welfare and Development sa naising imbis cash ang ibigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Piliipino Program ay palay na lamang o bigas na bibilhin sa mga magsasaka.
Pasasalamat naman ang ipinaaabot ni Ginoong Ceferino Morales Jr., Pangulo ng Masaganang Buhay Primary Multi-Purpose Cooperative sa bayan ng Zaragoza, sa agapay na handog ng pamahalaang tutugon sa pangangailangang pinansiyal ng mga kapwa magsasaka sa Nueva Ecija.
Karamihan aniya sa mga magsasaka sa lalawigan ay hindi napaghandaan ang epekto ng Rice Tarrification Law kung kaya’t malaking tulong itong pagpapahiram ng puhunan sa mga kagayang maliliit na magsasaka na magagamit sa pagsisimula ng taniman.