DepEd 3, sinimulan ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Sinimulan ng Department of Education o DepEd Region 3 ang pagdiriwang ng 2019 National Teachers’ Month.

Layunin ng nasabing pagdiriwang, na tatakbo mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5, na bigyang parangal ang mga nasa propesyon ng pagtuturo, maging ang mga retiradong guro.

Ayon kay DepEd OIC-Regional Director Nicolas Capulong, layunin nitong kilalanin at bigyang-diin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa pangkalahatang pagpapaunlad ng mga kasanayan at pag-uugali ng kanilang mga mag-aaral.

Aniya pa, ginawa ang pagdiriwang upang buhayin ang imahe ng pagtuturo bilang isang kaakit-akit na propesyon na may positibong impluwensiya sa mga mag-aaral at manawagan ng malawakang suporta para sa mga guro. 

Tampok ng pagdiriwang sa taong ito ang 2019 Regional Search for Outstanding Teachers and School Heads.

Ayon kay Capulong, layunin ng nasabing patimpalak na bigyan ng espesyal na pagkilala ang mga guro at pinuno ng paaralan na nagpapakita ng huwarang kakayahan at pambihirang dedikasyon sa kanilang trabaho.

Ang taunang pagdiriwang ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 242 na nagdedeklara tuwing Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ng bawat taon bilang National Teachers ‘Month, pati na rin ang Republic Act No. 10743 na nagdedeklara sa Oktubre 5 ng bawat taon bilang National Teachers’ Day. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews