Search for Outstanding School Heads, Teachers, inilunsad ng DepEd 3

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Inilunsad ng Department of Education o DepEd 3 ang Regional Search for Outstanding Teachers and School Heads para sa taong ito.

Layunin ng taunang paghahanap, na isa sa mga tampok ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, na magbigay ng espesyal na pagkilala sa mga guro at punong-guro na nagpapamalas ng huwarang kasanayan at pambihirang dedikasyon sa kanilang trabaho.

Ayon kay DepEd OIC-Regional Director Nicolas Capulong, taunan nilang ginagawa ang nasabing pagkilala upang ipaalam sa mga guro at punong-guro na pinahahalagahan ng ahensya at ng lipunan ang kanilang kontribusyon, at upang mahikayat pa lalo ang mga ito na pagbutihin ang kanilang propesyon. 

Sinabi naman ni DepEd Region 3 Education Program Supervisor Arnel Usman na ang aktibidad ay nakaangkla sa rehiyonal na balangkas ng ahensya para sa mas mahusay na mga paaralan.

Aniya, naniniwala silang magkaroon ng mas mahusay na mga guro kung mayroong mahuhusay na mga punong-guro na bubuo ng mahuhusay na mga paaralan sa pamamagitan ng mahusay na pagtuturo.

Kasama sa patimpalak ang mga sumusunod na kategorya: Outstanding Kindergarten Teachers, Outstanding Elementary Teachers, Outstanding Secondary Teachers, Outstanding Elementary School Heads, Outstanding Secondary School Heads, at Outstanding School Heads of Integrated Schools.

Ayon kay Usman, bukas ang kategoryang school head sa mga guro na wala pang permanenteng item bilang isang punong-guro ngunit namamahala ng isang paaralan.

Maaaring mag-nominate ng isang entry sa bawat kategorya ang mga schools division offices at maaari nilang isumite ang mga kinakailangang dokumento sa DepEd Regional Office hanggang Setyembre 16, 2019.

Dagdag ni Usman, binago nila ang proseso ng paghahanap sa taong ito. Bukod sa mga dokumento, may on-the-spot na paggawa ng lesson plan at demonstration teaching para sa mga guro; samantalang may instructional leadership competence assessment para sa mga punong-guro kung saan may mga pagsasanay sila sa pagbuo ng strategic plan at pagharap sa mga kliyente. 

Magmumula ang mga hurado sa DepEd, Civil Service Commission, non-government organizations, private teacher education institutions, at media.

Iaanunsyo ang top 10 sa bawat kategorya sa pagtatapos ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month sa Oktubre. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews