LUNGSOD NG PALAYAN — Kasama sa mga nakalinyang proyektong pangkabuhayan ng pamahalaang panlalawigan ang pagtatayo ng Malasakit Farm Village sa Nueva Ecija.
Ito ang ipinahayag ni Gobernador Aurelio Umali sa kamakailang sama-samang pagpupulong ng mga konseho sa lalawigan na idinaos sa Sierra Madre Suites.
Ayon sa punong lalawigan, layunin ng tanggapang mapaganda at gawing kapakipakinabang ang lupaing pagmamayari ng pamahalaang panlalawigan sa Barangay Aulo, lungsod ng Palayan na pagtatayuan ng Aulo Integrated Farm Eco-Adventure Tourism, Training, Livelihood and Housing Complex na tatawaging Malasakit Farm Village.
Ito ay nakapaloob sa 2019 Supplemental at 2020 Annual Investment Program o AIP na aprubado na ng Provincial Development Council sa pondong 132.7 milyong piso.
Pahayag ni Umali, nakapaloob rito ang mga proyektong pangkabuhayang ilalaan sa mga nangangailangang kalalawigan gaya ang pagkakaroon ng mga Micro-Layering Demo Farm, Goat and Cattle Multiplier Farm gayundin ng resort at pasyalan.
Aniya, habang isasaayos ang bagong pasilidad sa Aulo ay maaari nang simulan ang Micro Layering program sa bakanteng lupain ng Provincial Jail sa lungsod ng Cabanatuan.
Ito ay kinapapalooban ng mga module na ituturo sa bawat benepisyaryo hinggil sa pangangalaga ng mga manok at pagpaparami ng itlog.
Nakapaloob din sa AIP ng kapitolyo ang 1.2 bilyong piso pondo para sa Palay Price Support Program, 100 milyong piso sa pagpapatayo ng Rice Mill, 80 milyong piso sa pagpapatayo ng Onion Cold Storage, at 40 milyong piso para sa pagpapatayo ng palay at rice warehouse. (CLJD/CCN-PIA 3)