P2.2B nakalaan sa palay ng mga magsasaka sa NE

LUNGSOD NG PALAYAN — Handang maglaan ng 2.2 bilyong pisong pondo ang Provincial Food Council sa pagbili ng palay sa mga magsasaka, ayon kay Gobernador Aurelio Umali.

Ayon sa gobernador, inisyal na inilaan ng pamahalaang panlalawigan ang 200 milyong pisong pondo nitong Hulyo na dinagdagan at dinoble nitong Agosto na layong bigyang solusyon ang mababang presyo ng palay. 

Bukod sa 400 milyong piso ay nakahanda aniyang magpahiram ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ng tig-500 milyon hanggang isang bilyong piso sa kapitolyo bilang karagdagang kapital sa pagbili ng palay.

Kung susumahin ay aabot sa 2.2 bilyong pisong pondo ang mailalaan ng konseho bilang agapay sa mga mahihirap na magsasaka. 

Pahayag ng punong lalawigan, sa darating na mga linggo ay magkakaroon ng dry run sa pagbili ng palay sa mga magsasaka bilang paghahanda sa maramihang pagbili ng palay na magsisimula ngayong Oktubre. 

Sa kasalukuyan aniya ay prayoridad munang makabili sa mga magsasakang may lupaing isang ektarya pababa sa halagang 15 piso kada kilo ng sariwang palay na may moisture content na 14 hanggang 20 samantalang 14.50 piso namang bibilhin ang palay na may moisture content na 21 hanggang 25 at 14 piso sa mas mataas pang moisture content.

Paglilinaw ni Umali, direktang bibilhin ang palay sa bukirin o tahanan ng mga magsasaka at hindi sa mga ahente. 

Bagamat mayroong sariling grain crop drying and storage facility ang kapitolyo ay makikipagugnayan din ang tanggapan sa mga rice millers sa lalawigan para sa kakailanganing karagdagang pagpapatuyo at pagpapakiskis ng mga bibilhing palay.

Ayon sa tala ng Office of the Provincial Agriculturist, nasa 48 tons o 960 kaban ang kapasidad ng naturang drying facility na kayang maglaman ng nasa 30 libong kaban ng palay.

Plano din ng kapitolyo na makapagpatayo ng sariling rice mill at warehouse para sa tuloy-tuloy na pagbili ng palay sa mga magsasaka. 

Ayon pa kay Umali, ito ay hamon hindi lamang sa pamahalaang panlalawigan kundi sa bawat lokalidad na kumilos sa suliraning kinahaharap ng industriyang pagsasaka.

Kung kaya’t ang kanyang panawagan ay ang suporta at pakikiisa ng mga opisyales sa bawat bayan at lungsod sa inumpisahang programa. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews