LUNGSOD NG CABANATUAN — Inilahad ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang mga inisyatibo sa pagpapatupad ng road clearing operation.
Ayon kay Cabanatuan City Information Officer Rossini Ann Torres, bilang tugon sa inilabas na Memorandum Circular 121-2019 ng Department of the Interior and Local Government o DILG ay pinag-aralan ng pamahalaang lungsod ang mga hakbang sa pagpapatupad ng kaayusan sa mga lansangan kasama na ang traffic management.
Unang isinagawa aniya ng lokalidad ang muling pagtuturo sa mga traffic aid, kawani ng legalization division at mga tricycle driver sa lungsod hinggil sa safe and legal driving practices at road warning and signages.
Bukod pa ang naging konsultasyon sa Land Transportation Office at mga tricycle driver hinggil sa kanilang pagdaan sa Maharlika Highway gamit ang kanan o gilid na lane lamang upang makabawas sa trapiko.
Nagkaroon din ng konsultasyon sa DILG sa mga gagawing pagbabago at pagtatanggal ng mga nakaharang sa right of way ng publiko sa mga barangay at mga pamilihan sa lungsod.
Pahayag ni Torres, ipinaliwanag ng pamahalaang lungsod sa mga nasasakupan ang layunin ng road clearing sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga babasahin, pagpapaliwanag sa telebisyon, radyo at social media posting bago ang naging dry run at implementasyon ng programa.
Mahigpit na ding ipinatutupad sa lungsod ang traffic code gaya ang no parking, one side o both side parking zone, one way, no loading at loading zones na regular iniikutan at binabantayan ng mga trak ng Cabanatuan City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO upang tiyaking nasusunod ang kautusan.
Nabanggit din ni Torres na nasa 800 mga tindahan ang napaalis sa pwesto sa labas ng palengke na inilipat sa ikalawang palapag ng pamilihan upang patuloy na makapagnegosyo at hindi mawalan ng hanapbuhay.
Pinagbabawal na din ng pamahalaang lungsod sa pangangasiwa ng CDRRMO at City Economic Enterprise and Public Utilities Management Office ang iligal na pagtitinda sa sidewalk at pagpaparada ng mga sasakyan sa bahagi ng pamilihang bayan.
Katuwang naman aniya ng City Engineering Office ang mga kapulisan at Bureau of Fire Protection sa pagtungo sa mga barangay at pagtatanggal ng mga nakaharang o nakatayo sa mga sidewalk.
Ayon pa kay Torres, nakahandang umalalay at tumulong ang Engineering Office sa mga barangay hinggil sa tamang pagsusukat at pagtugon sa road clearing operation.
Ipinagpasalamat din ng lokalidad ang tulong at suporta ng mga punong barangay na nanguna sa proyekto na mismong nagpapaliwanag sa mga nasasakupan hinggil sa kahalagahan ng pagtugon sa inatas ng DILG.
Samantala, pinuri naman ng DILG ang pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa mga pagsusumikap at paraan ng pagpapatupad ng road clearing sa kamakailang idinaos na inspeksiyon sa lungsod. (CLJD/CCN-PIA 3)