Tinatayang aabot sa mahigit 20,000 baboy na ang nangamatay at pinatay sa lalawigan ng Bulacan na hinihinalang tinamaan ng sakit na African Swine Fever (ASF).
Nabatid na isang buwan mula ngayon ng magsimulang mangamatay ang mga alagang baboy mula sa mga commercial farms partikular na sa mga backyard raisers sa mga bayan ng Guiguinto, San Miguel at Lungsod ng Malolos.
Pinakahuling naiulat ay sa bayan ng Pandi na mahigit 1,000 ang pinatay habang 1,000 rin sa bayan ng Pulilan at 1,700 naman sa bayan ng Plaridel.
Ayon sa source na nagpakilala lang sa alyas na “Orlie” na dating spokeperson ng isang kilalang hog raiser sa Bulacan, mahigit nang 20,000 baboy ang nangamatay at pinatay sa nabanggit na probinsiya sanhi ng mga sintomas na nagtataglay ng sakit na ASF.
Aniya, hindi pa kabilang dito ang mga backyard hog raisers na tinamad nang i-report ang kanilang mga alagang baboy na namatay at inilibing na lamang sa kanilang bakuran.
Nabatid pa sa source na mayroon mga hog raisers ang mahigpit na ipinagbilin at nagbigay ng payo na huwag munang kumain ng baboy makaraang magpositibo sa ASF ang ilang bayan sa nasabing lalawigan.
Kamakailan ay kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na positibo sa ASF virus ang mga baboy na namatay sa bayan ng Guiguinto at sinundan din ng pahayag ng barangay officials ng Bulihan sa bayan ng Plaridel na sa ASF disease ang sanhi rin ng pagkamatay ng libu-libong baboy dito nito lamang nakaraang linggo.
Hindi naman makumpirma ang nasabing datos dahil ayaw magbigay ng pahayag hinggil dito ang provincial veterinary office, maging ang ilang mga local officials ay ayaw rin magbigay ng statement kaugnay ng mga pinapatay at namamatay na baboy sa kanilang mga nasasakupan.
Sa pahayag naman ni Bulacan Governor Daniel Fernando, sinabi nito na patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa lahat ng concern government agencies sa nasyunal na mayroong mandatos sa nasabing swine disease.
Ayon kay Fernando, mahigpit din nilang minomonitor ang bawat galaw ng mga hog raisers sa probinsiya at tinitiyak nila na wala munang lalabas at papasok na mga baboy sa Bulacan upang maproteksyunan ang iba pang mga hog raisers o ng hog industry.
Hinikayat rin ng gobernador ang mga backyard hog raisers na ipagbigay alam agad sa kanilang municipal veterinary at agriculture officers sakaling makikitaan ng sintomas ng pagkakasakit ang kanilang mga alagang baboy upang sa gayun ay magawan agad ng aksyon at maka-avail sila ng financial assistance mula sa gobyerno.