Dumulog kahapon sa tanggapan ni Mayor Enrico Roque ng bayan ng Pandi sa Bulacan ang mga miyembro ng Livestock Raisers of Pandi (LIRAP) na kinabibilangan ng mga hog raisers dito upang i-apela na maibalik muli ang “free trading” sa mga selected slaughterhouse sa lalwigan at maging sa iba pang mga lugar.
Ito ay kaugnay ng African Swine Fever (ASF) virus na pumipilay sa ngayon sa industriya ng mga magbababoy partikular na sa Bulacan kung saan bukod sa bayan ng Guiguinto, Plaridel, Pulilan at sa latest update ay kasama na rin ang bayan ng Pandi.
Nabatid na kamakailan ay isang farm sa bayan ng Pandi ang nagpositibo sa ASF at kasama ang mga tayhan ng Bulacan Provincial at Pandi Municipal Agriculture at Veterinary Office ay pinatay at inilibing ang mga alaga ritong mga baboy.
Ayon kay Mayor Roque, hiling ng nasabing grupo ng LIRAP na sa pamamagitan nya ay matulungan ang mga ito sa kanilang panawagan at apela na buksan muli ang mga slaughterhouse sa Bulacan nang sa gayon ay hindi tuluyang bumagsak ang hog industry sa probinsiya.
Ayon kay Andy Xu may-ari ng Panda Farm at kasapi ng LIRAP, mahigit sa 900 ang alaga nitong baboy at hindi infected ng nasabing virus ang kaniyang farm makaraang dumaan ito sa lab test kung saan negatibo sa ASF.
Hiling ng kanilang grupo na dapat open o free trading ang pairalin ng mga munisipalidad lalo na sa mga slaughterhouse at pamilihang bayan sa katulad nilang hindi naman infected ng virus at mayroon mga dokumento na magpapatunay na malinis at safe ang kanilang mga baboy.
Nanawagan si Mayor Roque sa mga consumers gayundin sa mga lokal na pamahalaan na magtulungan, ang epekto ng mga isyung ito umano ay hindi suliranin ng iilan lamang kundi sa mismong hog industry na kailangan din ng suporta mula sa pamahalaan dahil malaking puhunan ang nawawala sa kanila.
Ang kaso ng ASF hindi lamang sa bayan ng Pandi malaking epekto kayat dapat pagtuunan ng pansin at agapan para sa kapakanan ng mga hog raisers komersyo o backyard, ani Roque.
Napag-alaman na dumadaing ang samahan ng LIRAP dahil halos lahat ng mga munisipalidad na mayroong katayan ng baboy ay ayaw tumanggap ng mga baboy mula sa labas ng kanilang bayan kung saan ang epekto nito ay wala nang bumibili o nabawasan ang kanilang sale.
Ang nasabing commercial swine farm ay pag-aari ng isang Mae Gonzales na matatagpuan sa Barangay Baka-bakahan sa Pandi, Bulacan na tinamaan ng ASF virus kung saan pinatay at inilibing ang mga alaga nitong baboy.
Sa panayam kay Mayor Roque sinabi nito na umabot lamang sa 191 kabuuang bilang ng baboy ang pinatay sa farm ni Gonzales na taliwas sa pahayag ng may-ari na mahigit 1,000 baboy ang pinatay ng mga tauhan ng provincial at municipal veterinary at agriculture makaraang magpositibo sa ASF virus.
Hindi rin totoo ayon kay Elsie Angeles, OIC ng Pandi Municipal Agriculture Office na negative ang result sa ASF test ang mga baboy nito sa halip base sa result test na hawak nila mula sa regional office ng Department of Agriculture (DA) na mayroon petsang Setyembre 20 at 24 lumabas na “ASF found positive” kayat agad silang pumunta sa farm at pinatay ang mga baboy.
Sinabi pa ni Angeles na hindi rin brutal ang ginawang pagpatay sa mga hayop kundi inilagay ang mga ito sa sako at kinuryente saka ibinaon.
Napag-alaman pa na ipatatatwag ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit pumasok ito sa ASF case sa Pandi gayung hindi nila ito jurisdiction at mandato.