35,000 magsasaka ng Palay sa Bulacan, makikinabang sa RCEF

LUNGSOD NG MALOLOS, Oktubre 6 (PIA) — Tiniyak ng Agricultural Training Institute o ATI ang puspusang pag-agapay sa may 35 libong magsasaka ng Palay sa Bulacan.

Ito’y upang mapabilis ang mga proseso at agad na mapakinabangan ang pondo na mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.

Sa ginanap na Agricultural Extension Workers’ Summit na kapwa inorganisa ng Department of Agriculture at ng Provincial Agriculture Office, ipinaliwanag ni ATI Central Luzon Center Director Veronica Concepcion V. Esguerra na handa na ang pondo ng RCEF sa apat na aspeto ng pagtulong sa mga magsasaka.

Kabilang diyan ang pamamahagi ng mga makinaryang pangsaka at pangtanim, pamimigay ng mga binhing Inbred, mas malawak na credit at agricultural extension gaya ng mga pagsasanay. 

Upang magkaroon ng karagdagang makinarya, kinakailangan na ang isang magsasaka ay kasapi ng rehistradong kooperatiba at mga samahan. Dapat din na may laking 50 ektarya ang sakahan ng bawat isang kasapi at may garahe para sa mga makinarya. 

Maari silang mapagkalooban ng Agricultural Tractors, Farm Tillers, Rice Seeders, Rice Transplanters, Rice Harvesters, Rice Reapers, Rice Threshers, Mechanical Rice Dryers, Ricemills, Irrigation Pumps at Small Solar Irrigation.

Ayon kay Esguerra, may limang bilyong piso ang inilaan mula sa RCEF para sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech upang isakatuparan ito. 

Simula naman sa tag-araw ng taong 2020, libreng binhing Inbred ang ipamamahagi ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice. Bawat kalahating ektarya ay isang bag ng binhi o katumbas ng 20 kilo ang ipagkakaloob.

Ang higit sa kalahati hanggang sa isang ektarya ay dalawang bag, tatlong bag para sa isa’t kalahating ektarya at apat na bag sa higit pa sa isa’t kalahati. Ang inilaan mula sa RCEP para sa PhilRice upang ipatupad ito ay aabot sa tatlong bilyong piso.

Para sa mas malawak na pautang o credit, tig-500 milyong piso ang inilaan para sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines mula sa RCEF. Ito’y upang makapagpautang hanggang sa 90 porsyento ng kabuuang gastusin sa pagtatanim ng Palay. 

Ang agricultural extension naman ay nakatutok sa iba’t ibang training and empowerment para sa mga magsasaka. May halagang isang bilyong piso  ang nakalaan mula sa RCEF para sa agricultural extension kung saan 700 milyong piso ay para sa Technical Education and Skills Development Authority habang tig 100 milyong piso ang mga training course ng PhilMech, PhilRice at ATI.

Ang mga nabanggit na halaga ay nagmula sa 10 bilyong pisong koleksyon mula sa mga nasingil na taripa o buwis sa mga nag-angkat ng Bigas alinsunod sa Republic Act 11203 o ang Rice Tariffication Law. Nakatakda sa batas na makakolekta ng 10 bilyong piso kada taon hanggang sa 2023. 

Sa batas ding ito, binuksan ang merkado ng Pilipinas para sa pag-angkat at pagluwas ng Bigas upang matiyak ang seguridad sa pagkain na masustansya at abot-kaya. 

Sa pag-iral ng Republic Act 11203, nagresulta agad ito sa pagmura ng presyo ng Bigas sa mga pamilihan at maging ang bentahan ng Palay sa mga kabukiran. 

Kaugnay nito, sinabi ni Provincial Agriculturist Gloria Carillon na upang matamo ng mga kalalawigan ang benepisyo ng RCEF ay titiyakin nilang nakatala ang bawat magsasakang benepisyaryo sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. 

Isa itong rekisito upang makatamo ng pakinabang sa maraming mga biyayang nakalaan para sa mga magsasaka ng Palay mula sa RCEF. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews