LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Apat na pamamaraan ang itinuro ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice upang maseguro ang mataas na ani at kita sa pagsasaka.
Ayon kay PhilRice Technology Management and Services Division Chief at 2019 Wet Season Lakbay Palay Overall Coordinator Lea Abaoag, itinampok sa taunang okasyon ang pagpapaunawa sa mga magsasaka ng mga pamamaraang makatutulong upang makasabay sa pagpasok ng mga imported na bigas gayundin ay mapataas ang ani, kita at mapababa naman ang gastusin sa pagsasaka.
Isang pamamaraan aniya rito ay ang matagal nang ikinakampanya ng tanggapang paggamit ng dekalidad na binhi na kung saan 10 porsyento ang itinataas basta’s may wastong pangangalaga gaya ng tamang paghahanda ng lupa, pagpapatubig, at pagbibigay nutrisyon sa tanim.
Pahayag ni Abaoag, hindi pa ito gaanong kalaganap sa mga magsasaka dahil sa kakulangan ng pagkukunang mga binhi kung kaya’t ang solusyon ng tanggapan ay turuan na mismo ang mga magsasaka sa pagpaparami ng sarili at purong binhi.
Ikalawang pamamaraan aniya ay ang paggamit ng makinarya sa bukid na nakatitipid sa gastusin at oras sa sakahan gayundin ay nababawasan ang mga naaaksayang ani.
Ikatlo ay ang paghiram ng dagdag puhunan nang hindi masakit sa bulsa at panghuli ay lumahok sa mga libreng pagsasanay upang malaman ang mga bagong kasanayan at kahusayan sa pagsasaka.
Ipinaunawa din sa mga kalahok ang mga programa ng PhilRice, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization at Land Bank of the Philippines na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Ilan sa mga nilinaw ng mga magsasaka ay ang proseso ng paghiram at mga kwalipikadong benepisyaryo ng mga programang pinansiyal at pagpapamahagi ng makinarya’t binhi ng gobyerno.
Ayon pa kay Abaoag, kinakailangan rito ang tulong ng mga magsasaka na siguruhing sila ay nasa listahan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture na makukumpirma sa mga tanggapan ng pagsasaka sa bawat lokalidad.
Maliban sa apat na diskarteng ikinakampanya ay patuloy pa ding ibinibida ng PhilRice ang mga teknolohiyang Palayamanan na nagpapakitang hindi lamang sa palay maaaring kumita ang mga magsasaka kundi maging sa pagtatanim ng mga gulay at pag-aalaga ng mga hayop.
Gayundin ang mga bagong kagamitan at pamamaraan sa pagsasaka mula sa Future Rice Farm at nagkaroon din ng pagkakataong libutin ng mga kalahok ang Rice Science Museum at Breeder Seed Production.