LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga –May kabuuang 17 empleyado ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac ang nakinabang sa tulong pangkabuhayang bigay ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Tumanggap ang mga benepisyaryo ng sari-sari store package na nagkakahalaga ng 20,000 piso bawat isa.
Ayon kay DOLE Regional Director Zenaida Angara-Campita, paraan ng pamahalaan ang nasabing ayuda para makabawi ang mga manggagawa sa pagkawala ng kanilang mga trabaho at mga mahal sa buhay.
Aniya, inaasahan ng ahensya na pahahalagahan at palalaguin nila ang natanggap na tulong pangkabuhayan.
Patuloy nilang susubaybayan ang nasabing mga sari-sari stores sa pakikipagtulungan sa pamahalaang bayan ng Porac.
Ayon kay Public Employment Service Office Sheryl Bulanadi, buo ang suporta nila sa mga naturang manggagawa dahil alam nila ang epekto ng biglaang pagsasara ng Chuzon sa kabuhayan ng mga ito.
Matatandaang gumuho ang Chuzon Supermarket bunga ng 6.1 magnitude na lindol na tumama sa Luzon noong Abril 22, 2019. (CLJD/MJLSC- PIA 3)