Ikatlong Blood Center ng Red Cross sa Bulacan, binuksan sa San Rafael

SAN RAFAEL, Bulacan — Pinasinayaan na ang ikatlong Blood Center ng Philippine Red Cross sa Bulacan na matatagpuan sa San Rafael Government Center.

Ayon kay Senador at Philippine Red Cross Chairperson and Chief Executive Officer Richard J. Gordon, mapapadali nito ang pagkuha ng kinakailangang suplay ng dugo sa gawi ng Ikatlong Distrito ng lalawigan. 

Ibig sabihin, hindi na kailangang bumiyahe pa sa Malolos o Baliwag ang mga taga-San Rafael, San lldefonso, San Miguel, Donya Remedios Trinidad, Angat at Norzagaray. Partikular na inilagak itong blood center sa ikatlong palapag ng Ricardo Silverio Sr. Building na nasa loob ng bakuran San Rafael Government Center sa barangay Sampaloc. 

Ang nasabing gusali ay ipinatayo ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael sa halagang 3.6 milyong piso sa tulong ng Department of Public Works and Highways. Makakasama ng Philippine Red Cross Blood Center ang iba pang tanggapan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. 

Ayon kay Ricardo A. Villacorte, administrador ng Philippine Red Cross- Bulacan Chapter, pumasok sila sa isang usufruct agreement sa lokal na pamahalaan. Sa nasabing kasunduan, libreng ipapagamit ng pamahalaang bayan ang pasilidad sa loob ng 25 taon. 

Mayroon itong state-of-the-art na blood refrigeration na kayang maglaman ng 300 bags ng iba’t ibang type ng dugo. 

Binigyang diin ni Gordon na ito ang magtitiyak na may suplay ng dugo 24 oras. Ito’y upang masagip ang mga may sakit na Dengue, nasangkot sa mga aksidente at iba pang mabibigat na karamdaman na nangangailangang salinan ng dugo.

Samantala, nakatakda namang buksan sa susunod na mga buwan ang ikaapat na blood center ng Philippine Red Cross sa bayan ng Marilao. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews