LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tumulong si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at designated Cabinet Officer for Regional Development and Security o CORDS for Region III Carlito G. Galvez Jr sa National Irrigation Administration o NIA upang mapadaloy ang patubig mula sa Bustos Dam patungo sa mga sakahan sa Bulacan.
Iyan ang kanyang iniulat sa ginanap na Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council at Provincial Anti-Drugs Advisory Council sa lungsod ng Malolos.
Ito aniya ay pagtalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan nang solusyon ang kawalan ng patubig dahil pagsasara ng suplay ng mula sa Angat Dam.
Ipinaliwanag ng kalihim na ito ay agarang tugon upang maiwasan at huwag mahikayat ang mga magsasakang Bulakenyo ng mga grupong komunista dahil sa kakulangan sa patubig.
Ayon naman kay Paul Tayao ng NIA, aabot sa 3.28 cubic meter per seconds o katumbas ng 3,280 libong litro ng tubig ang pinakakawalan ngayon sa Bustos Dam.
Bagama’t limitado sa 186 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, na malapit na sa minimum level nitong 180 metro, nananatili namang nasa 17.28 metro ang imbak na tubig sa Bustos Dam. Mataas pa ito sa 14 metrong kritikal na lebel.
Ang Angat Dam sa Norzagaray ay nakadugtong sa Bustos Dam kaya’t kapag hindi makapagsuplay ng patubig ang Angat Dam ay mayroon pang reserbang tubig sa Bustos Dam na pinamamahalaan ng NIA.
Ayon pa kay Galvez, tatagal hanggang sa anihan sa Nobyembre 2019 ang patubig at maari pang padaluyin sa susunod na pagtatanim sa Pebrero 2020.
Sa kasalukuyan, nakabukas ang mga gate ng Bustos Dam kung saan apat na mga motor ang umaandar. Dalawa rito ay 350 horse power at dalawa rin ang 250 horse power na naglalabas nga ng 3.28 cms na tubig.
Bukod sa Angat, Bustos at Pandi, papatubigan na rin ang iba pang bahagi ng Bulacan na may sakahan upang makapag-ani pa bago matapos ang taon.
Kaugnay nito, ibinalita rin ni Galvez na bukod sa pagbubukas ng patubig para sa mga magsasaka, sasagutin na rin ng NIA ang bayad sa kuryente ng mga nagkabit ng de-kuryenteng motor ng patubig upang mabomba pataas ang tubig sa mga bukirin sa talampas o matataas na sakahan ng lalawigan.
Tiniyak din niya na hindi maniningil maski magkano ang NIA sa patubig bilang pagtupad sa mandato nito sang-ayon sa Republic Act 10969 o ang Free Irrigation Service Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2018.
Nangako rin ang kalihim sa kanyang kapasidad bilang CORDS na tutulong ang kanyang tanggapan sa NIA at Department of Agriculture o DA upang mai-adjust ang panahon ng pagtatanim at matiyak na lahat ng magsasaka ay makagamit ng karampatang motor para sa patubig.
Magbibigay din aniya ang DA ng mga solar panel upang mapatakbo ang mga motor ng patubig nang hindi kumakabit sa regular na suplay ng kuryente. (CLJD/SFV-PIA 3)