Apat na hinihinalang mga miyembro ng isang carnapping syndicate ang napatay sa isang hot-pursuit operation na nagresulta sa madugong engkuwentro sa Barangay Bagong Silang bayan ng Plaridel sa Bulacan Linggo ng madaling araw.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Victorino Valdez, Hepe ng Pulis ng Plaridel, naganap ang sagupaan sa pagotan ng Plaridel Police at ng mga suspek bandang alas-3:50 ng madaling araw sa nasabing barangay.
Ayon kay Valdez isang lalaki na pansamantalang itinago sa pangalang Abel ang tumungo sa istasyon ng pulis at nagsumite ng reklamo dahil sa pang-aagaw ng kanyang sasakyang Toyota Vios na mayroon plate number AHA-2068 ng mga suspek.
Ani Abel, pabalik na siya sa kaniyang sasakyan matapos bumili sa isang convenience store sa Barangay Banga Dos nang bigla siyang tutukan ng baril ng dalawang lalaki na naka-bonnet.
“Sapilitang kinuha sa akin ang susi ng sasakyan tsaka ito itinakbo ng mga suspek,” dagdag pa ni Abel.
Agad namang inalarma ang mga operatiba sa pangunguna ng Plaridel police at Bulacan Provincial Intelligence Branch upang mabawi ang nasabing sasakyan.
Ayon naman kay P/Col. Chito Bersaluna, Bulacan Provincial Director, nang mai-flash alarm ang plaka ng ninakaw na sasakyan, namataan ng mga pulis ang sasakyan na umiwas sa checkpoint sa Bypass Road sa nasabing bayan.
Pagdating ng inalarmang sasakyan sa NIA Road sa Brgy. Bagong Silang, hinarang ito ng mga pulis subalit umiwas ang mga suspek at pinaputukan ang mga nasabing kapulisan.
Una raw nagpaputok ng baril ang mga suspek at tsaka gumanti ang mga pulis.
Pagkaraan ng ilang minutong palitan ng putok ay pawang mga bangkay nang nagkalat sa paligid ng kinarnap na sasakyan ang tatlong suspek habang ang isa ay nasa loob ng sasakyan.
Nasamsam sa mga suspek ang dalawang caliber .38 na baril, isang caliber .45 na baril at isang Uzi submachine gun.
“Tinamaan ng bala ang isang pulis pero masuwerteng tumama naman ito sa kaniyang vest,” dagdag pa ni Bersaluna.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung saang grupo nabibilang ang mga ito.