Hindi pa man nareresolbahan ang pagpaslang sa barangay chairman ng San Ildefonso dalawang linggo pa lang ang nakararaan isa na namang Barangay chairman sa nabanggit pa ring bayan ang pinaggbabaril ng mga di pa nakikilalang mga salarin na ‘riding in tandem’ kahapon ng umaga sa Barangay Lapnit.
Kinilala ni PLt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng San Ildefonso Police Station ang biktima na si Barangay Captain Rosteo Salao, 67, married, Barangay Chairman ng Barangay Lapnit na nagtamo ng multiple gunshot wounds sa ibat-ibang parte ng katawan.
Base sa panimulang imbestigasyon, si Salao ay lulan ng kaniyang Honda Click na motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Cagayan Valley National Road sakop ng Barangay Lapnit nang biglang sumulpot ang mga suspek na riding in tandem na kapwa naka-helmet at walang habas na pinaputukan ng baril ang biktima.
Duguang bumagsak ang biktima sa isang creek na agad nitong ikinamatay habang ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas na siya ngayong pinaghahanap ng San Ildefonso Police, ayon kay Voltaire.
Nito lamang nakaraang buwan Oktubre 22 ay pinagbabaril din ng riding in tandem si Kapitan Lazaro Evangelista Santos, 52, may-asawa, Barangay Captain ng Barangay Malipampang ng bayan din ng San Ildefonso kung saan isang tambay pa na nakilalang si Richard Del Rosario residente ng Barangay Pala-pala ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa nasabing pamamaril.
Nabatid na habang nasa tindahan ay isang riding in tandem ang huminto sa harap ng biktima kung saan bumunot ang mga ito ng .45 caliber at walang awang pinaputukan si kapitan ng maraming beses na siya nitong agad na ikinamatay.
Ayon kay Rivera, kasalukuyan pang iniimbistigahan at inaalam ang motibo sa naturang krimen at nagsagawa na rin sila ng manhunt operation laban sa mga suspek.
Tinitignan din ng kapulisan ang anggulong “land dispute” ang posibleng motibo sa krimen.
Kinondena naman ni Mayor Carla Galvez-Tan ang pagpaslang kay Kapitan Salao at Kapitan Santos na aniyay kapwa mabait at matapat na serbisyo publiko sa loob ng maraming taon.
Ayon sa alkalde, gagawin nila ang lahat para mabigyan ng katarungan ang pamamaslang kay Kapitan Salao at Kapitan Santos.
Napag-alaman na ang pinaslang na si Kapitan Salao ay sinasabing malapit kay Mayor Galvez habang ang napatay na si Kapitan Santos ay isa umanong opisisyon.