PULILAN, Bulacan (PIA) –Ipinagpapatuloy na ang ginagawang Slab-link rehabilitation ng Candaba Viaduct na siyang pinakamahabang tulay sa North Luzon Expressway o NLEX.
Pansamantalang nahinto ito upang bigyang daan ang maramihang uwian at luwasan nitong nakaraang paggunita sa Undas.
Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, layunin ng proyekto na lalong matiyak ang katatagan ng Candaba viaduct sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol.
Binigyang diin niya na bago pa man ang nangyaring magkakasunod na lindol, patuloy na ang ginagawang pagpapatibay dito. Noong Oktubre ay sinimulan ang slab-link rehabilitation at target matapos bago ang maramihang uwian ngayong kapaskuhan.
Sa proyektong ito, ginagawa ang slab-link rehabilitation upang mawala ang malakas na dagundong ng gulong ng mga sasakyan tuwing dumadaan ito sa mga dugtungan ng Candaba viaduct. Nakakadagdag kasi ang mga dagundong sa panginginig o vibration ng istraktura.
Noong 2015 ay sinimulan naman ang ginawang retrofitting sa bawat poste at mga pundasyon ng 43 taong gulang na istraktura.
Sinundan ito ng literal na pagkakabit sa istraktura ng dalawang direksyon ng viaduct, kung saan nilagyan ng kalsadang ‘lusutan’ sakaling kailanganin ng counter-flow traffic dito noong 2016.
Sa ginawang pagkakabit ng dalawang istraktura sa gitna, mas tumibay pa ito na kayang tumayo sakaling tumama ang lindol na may lakas na magnitude 7.2. (CLJD/SFV-PIA 3)