Magsasaka sa Bataan, pribadong kumpanya nagkasundo sa progreso ng Barangay Sumalo

HERMOSA, Bataan — Isang pagpapahayag ng pagkakaisa ang nilagdaan nitong Miyerkoles ng mga magsasaka sa Bataan at ng Riverforest Development Corporation, para sa anila’y “pagsusulong ng tunay at makabuluhang kaunlaran ng Barangay Sumalo sa Bayan ng Hermosa, Bataan.”

Ginanap ito sa kauna-unahang pagtitipon kasama ang mga lehitimong farmers groups at mga residente rito na naniniwala sa adhikain ng RDC na mapaunlad ang naturang lugar bilang isang “model township area.”

Ayon kay Dani Beltran, RDC Community Relations Officer, layon ng kanilang kumpanya, na siya aniyang tunay na may-ari ng 213 ektaryang lupain (Litton Estate) sa naturang barangay, na mapagyaman at mapakinabangan ang lugar na ito sang ayon sa wholistic approach para sa kapakinabangan ng mga lehitimong residente rito.

“Alam naming napapanahon na para bigyang daan ang land use conversion upang mapakinabangan ng mga mamamayan ang Sumalo ang biyaya ng lupa na magbibigay na sa kanila ng maraming oportunidad dulot ng industriyalisasyong itatatag sa Sumalo,” bahagi ng nakasaad sa kasunduang pinirmahan. 

Taong 1994, buwan ng Oktubre nang ideklara anila ng Department of Agriculture na ang lupa sa Sumalo at mga katabing barangay nito ay hindi angkop sa gawaing pang agrikultural.

Dagdag pa ni Beltran, dahil sa legal battles o tunggalian sa korte at iba pang concerned agencies ay tanging ang Barangay Sumalo na lamang ang nanatiling underdeveloped o napag iwanan na aniya ng kaunlaran kumpara sa Barangay Palihan na siyang kinatatayuan ng Hermosa Ecozone Industrial Park; Bria at Llana Housing Projects naman sa Pandatung; Residencia Hermosa at Magnolia Chicken Dressing Plant naman sa boundary ng Mambog at Sumalo. 

Aniya, simula pa noong taong 2011 ay umabot na sa 28 pamilya ang nabigyan ng lupain mula sa RDC at nagpapatunay dito ang mga deed of donations na hawak ngayon ng mga beneficiaries. Magpapatuloy aniya ito kapag natapos na tunggaliang legal at maipatupad ang iniutos at desisyon ng korte pabor sa RDC. 

Panawagan ni Beltran at ng RDC na mabigyan sila ng pagkakataon na maipaliwanag hindi lamang sa lahat ng mga residente rito kundi sa mga sumusuporta sa kabilang panig na lubos na maunawaan ang komprehensibong plano nila sa naturang lugar. 

“Sa bisa ng aming pagkakaisa, kami ay tutulong sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa mga mamamayan ng Sumalo, gayundin ang iba pang sektor na may malasakit sa barangay upang isulong ang adhikain para sa tunay at makabuluhang kaunlaran para sa mga mamamayan ng Sumalo at para sa higit pang nakararaming mamamayan ng lalawigan ng Bataan,” pahayag pa ni Beltran.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews