LUNGSOD NG MALOLOS, Nobyembre 18 (PIA) — Sumentro sa apat na pangunahing dahilan kung bakit dapat mareporma ang Saligang Batas ng 1987 ang tinalakay sa ginanap na Constitutional Reform Provincial Road Show Media Briefing ngayong Lunes na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government o DILG.
Ayon kay DILG Bulacan Provincial Director Darwin David, ito ang Pagyamanin ang probinsya, paluwagin ang Metro Manila; Gobyerno para sa tao, hindi para sa trapo; Bukas na ekonomiya nang lahat ay may pag-asa; at Bagong konstitusyon para sa bagong henerasyon.
Sa punto ng adhikaing higit na mapagyaman ang mga lalawigan ng Pilipinas, kalakip sa panukala ang pagdagdag ng bahagi o share sa Internal Revenue Allotment o IRA ng mga pamahalaang lokal.
Base sa paliwanag ni Konsehal Niño Carlo Bautista ng lungsod ng Malolos sa kanyang kapasidad bilang isang abogado, ibig sabihin nito ay dapat maamyendahan ang sections 6 at 14 ng Article X ng Saligang Batas ng 1987.
Ipinaliwanag niya na sa kasalukuyang sistema, ang mga batayan sa pagkakaloob ng IRA ay ang dami ng populasyon at laki ng lupain ng isang bayan o lungsod.
Ang IRA ay 40 porsyentong perang bahagi ng mga pamahalaang lokal mula sa mga kita ng pamahalaang nasyonal.
Kaya’t ang panukalang isinusulong ng DILG, marebisa ang batayan sa halaga ng IRA. Mula sa pagsukat lamang ng lupa at pagbilang ng populasyon, isinusulong na maging batayan ang poverty incidence, geographic peculiarities, level of own-space revenue at level of financial management revenues.
Bahagi din ng isinusulong ng DILG na hindi lamang buwis na nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue ang dapat pagkuhanan ng IRA kundi kasama na ang bahagi ng kita sa taripa na nakokolekta ng Bureau of Customs, travel tax, estate tax, franchise tax, stamp tax at iba pang uri ng buwis na ipinapatupad ng pamahalaang nasyonal. Kaya’t kung maipapatupad ito, tatawagin na bilang National Taxes Allocation ang ngayo’y tinatawag na IRA.
Kalakip pa rin ng panukalang lalong pagyamanin ang mga lalawigan ay gawing mga Regional Development Authority o RDA ang kasalukuyang mga Regional Development Council o RDC.
Paliwanag ni David, ang RDC ay recommendatory lamang ang magagawa. Ibig sabihin, walang kakayahang makapagpatupad ng mga proyekto kundi humiling lamang.
Kaya’t kung magiging RDA ang RDC ngayon, magkakaroon ito ng karapatan na magdesisyon na sa proyektong hinihiling pa ngayon sa pamahalaang nasyonal.
Para naman sa pangalawang isinusulong na “Gobyerno para sa Tao, Hindi para sa Trapo,” nais ng DILG na mas maging aktibo ang partisipasyon ng karaniwang mga mamamayan sa mga partido pulitikal.
Ibig sabihin, dapat maintindihan ng mga tao ang prinsipyo at idelohiya na isinusulong ng isang partido pulitikal. Ito’y upang magkaroon ng pagpipilian kung saang partido aanib.
Mula roon, magkakaroon ng pagkakataon ang bawat isang mamamayan na makalahok sa halalan sa pamamagitan ng pagtakbo at hindi lamang ang kung sino ang mayayaman.
Pangatlong panukala ng DILG ang higit na pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan na mas makapasok sa iba’t ibang uri ng negosyo ang mga dayuhan.
Nilinaw ni David na hindi kasama sa panukala ng DILG na makapag-ari ng lupain ang mga dayuhan dahil baka dumating ang panahon na puro pag-aari na ng mga taga-ibang bansa ang lupain ng Pilipinas.
Aalisin din ng pag-amyenda sa bahaging ito ng Saligang Batas ang monopolyo na lalong nagpapayaman sa mga mayayaman at nagpapahirap pa sa mga mahihirap.
Ayon pa kay David, mapapalakas nito ang kumpetisyon kung saan ang makikinabang ay ang karaniwang mamimili.
At Pang-apat, maigayak ang Saligang Batas ng 1987 na may amyendang pakikinabangan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino. (CLJD/SFV-PIA 3)