1,700 barangay officials kikilos kontra droga

Halos 1,700 na mga barangay officials na miyembro ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) mula  sa 569 barangays sa lalawigan ng Bulacan ang nakiisa at tutulong sa malawakang kampanya o anti-illegal drug campaign ng pamahalaang nasyunal na mayroong temang “Barangay Dialogue Year II: Drug Clearing”  makaraang dumalo sa isinagawang forum sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center kamakailan.

Ang nasabing forum ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng  Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kung saan tinalakay dito ang paksa tungkol sa Barangay Drug Clearing Program.

Binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng tungkulin ng mga miyembro ng BADAC sa pagpapatupad ng kanilang natutunan sa forum.

“The barangay is the first line of defense. Kayo po ang multipliers sa ating national anti-drug campaign na magsisimula sa grassroots level.  Wala tayong magiging katagumpayan kung hindi natin maiaayos ang problema ng iligal na droga sa ating nasasakupan,” anang gobernador.

Ayon kay Col. Chito Bersaluna, Bulacan PNP director,  layunin ng programa na tulungan ang bawat barangay na maging drug-free.“Mayroon na po tayong na-clear na 106 barangay. Sana po bago po matapos ang taon, target po namin ng mga kapulisan ng Bulacan at katuwang ang ating PDEA, na ito po ay madoble pa. Hindi po tayo titigil hangga’t hindi natin ito nakakamtan. Isa itong malaking hamon pero kayang-kaya,” ani Bersaluna.

Bago ito, nakiisa din ang mga kabataang lider mula sa lalawigan sa nationwide anti-illegal drug campaign noong nakaraang Lunes sa ginanap na Youth Symposium: A Campaign Against Illegal Drugs kung saan inanunsyo ni Fernando ang isang bagong proyekto na tinawag na BUCAA (Bulacan Universities Collegiate Athletic Association) na kanyang pinaniniwalaang makatutulong sa promosyon laban sa paggamit ng iligal na droga.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews