Hindi magkamayaw sa sigawan ang mga Meycauenyos upang ipakita ang kanilang pagsuporta sa bawat kandidatang kalahok sa ginanap na Coronation Night ng “Bb. Meycauayan 2019” kamakailan kung saan nangibabaw ang kagandahan at itinanghal bilang Bb. Meycauayan 2019 ang pambato ng Barangay Pantoc na si Miss Marie Louise J. Long.
Ang mga nagsipag-wagi ay kabilang sa 20 kandidata na lumahok sa nasabing patimpalak bilang “Bb. Meycauayan 2019” pageant na ginanap sa Meycauayan Convention Center na dinaluhan ng libu-libong mga taga-suporta ng bawat kandidata.
Panauhing pandangal ang mag-asawang Villarica na sila ring pangunahing organizers ng naturang beauty pageant kung saan ipinamalas nila ang kani-kanilang ganda, talino at kani-kaniyang adbokasiya para lungsod sa mayroong temang “Kagandahan sa Luntian”.
Ayon kay Mayor Villarica, ang gabing ito umano ay bilang paggunita na rin ng ika-13 Founding Anniversary ng pagkakahirang bilang isang Lungsod ang Meycauayan City.
Nabatid kay Agnes Cayaban, City Information and Community Relations Officer ng City Government of Meycauayan na ang mga kalahok ay nagmula sa bawat barangay sa nasabing lungsod at taunang isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Meycauayan katuwang ang mag-asawang Villarica.
Ayon pa kay Cayaban, sa gabi ng koronasyon, ang bawat kategorya ay sinalubong ng dumadagundong na hiyawan mula sa crowd at taga-suporta ng bawat kandidata kabilang na ang mga nagse-seksihang katawan mula sa suot na swimsuit, makukulay at magarbong long gown, Top Ten finalists hanggang sa top 5 finalists, Question and Answer portion hanggang sa koronasyon.
Bukod sa korona at tropeo ay naibulsa rin ni Bb. Long ang P20,000 cash habang wagi naman bilang 1st Runner-up si Bb. Trisha J. Van Eldik ng Barangay Perez plus P15,000 cash; 2nd Runner-Up si Bb. Bea Anne U. Bergania ng Barangay Longos plus P10,000 cash; 3rd Runner-Up si Bb. Ruby E. Mulig ng Barangay Langka plus P7,000 cash; at 4th Runner-Up si Bb. Maria Katrina D. Llamosa ng Baragay Malhacan plus P5,000 cash.
Wagi rin bilang Best in Swimwear si Bb. Marie Louise J. Long; Nakuha naman ni Bb. Ruby Mulig ang karangalang Best in Long Gown, Best in Talent at Meycauayan Social Media Choice Award; Si Bb. Maria Katrina Llamosa ng Barangay malhacan bilang Best in Filipiniana Gown at Miss Photogenic, Miss Friendship naman si Bb. Rosemarie Legaspi ng Barangay Bayugo.
Miss El Renzo Tagaytay naman si Miss Trisha J. Van Eldik (Bgy. Perez); Miss Victory Oil si Bb. Maria Katrina Llamosa; Ema Town Ambassadress si Bb. Rose Axle DC. Viray ng Barangay Bayugo at 8 Kings Ambassadress si Bb. Louise Long.
Pangungunahan ni City Mayor Villarica ang parade kasama ang Sangguniang Panlungsod sa pangunguna naman ni City Vice Mayor Jojie Violago kasama rin ang Committee on Special Projects, Activities and Tourism Head Kon. Cindy Paguio at ang overall na pagsasaayos ng City Information and Community Relations Office sa pangunguna ni (OIC) City Information Officer Agnes Cayaban.