Bulacan, handang tumulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakahanda ang Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO sakaling kailanganing tumulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa panayam kay Felicisima Mungcal, hepe ng PDRRMO, sinabi nitong nagtagubilin si Gobernador Daniel R. Fernando na maghanda ng isang rescue team ang lalawigan upang tumulong sa ibang ahensya ng pamahalaan na tumutulong sa evacuation sa mga nasalantang bayan sa lalawigan ng Batangas.

Ani Mungcal, isang dump truck, firetruck at ambulance na kumpleto sa personal protective equipment ang naka standby na sa kanilang tanggapan at nakahanda anumang oras kung kakailanganin ang kanilang serbisyo.

Hinihintay lamang umano nila ang abiso ng Office of Civil Defense Region 3.

Samantala, sinabi ni Department of Trade and Industry Director-in-Charge Ernani Dionisio na patuloy nilang babantayan ang mga tindahan ng face masks upang hindi masamantala ang nasabing insidente upang mag-overprice ang mga ito. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews