P9.7B puhunan, pumasok sa Malolos noong 2019

LUNGSOD NG MALOLOS — Banner Year para sa lungsod ng Malolos ang nakalipas na taong 2019 dahil nakapagtala ito ng 9.7 bilyong pisong halaga ng bagong pamumuhunan.

Iyan ang kinumpirma ni Atty. Aida Bernardino, pinuno ng Business Permit and Licensing Office o BPLO, sa kasagsagan ng business permit renewal para sa taong 2020. 

Bukod sa mas mataas ito kumpara sa 8.4 bilyong pisong pamumuhunan na inilagak sa Malolos noong 2018, ito rin ang pinakamalaki sa nakalipas na isang dekada. 

May kabuuang 510 na mga bagong negosyo ang nabuksan sa lungsod noong 2019. 

Ayon pa kay Atty. Bernardino, matatagpuan ang marami sa mga ito sa bagong tayong Phase 2 ng Malolos Central Transport Terminal. 

Dumagdag ang mga ito sa may 3,873 na mga nag-renew ng mga business permit. Sa loob ng nasabing bilang, mahigit tatlong libo ang mga micro businesses habang mahigit 400 naman ang mga medium businesses at 32 ang large businesses. 

Kaugnay nito, kalakip ng mga pamumuhunang ito na pumasok sa Malolos ay nakapagkolekta ang BPLO ng may 216 milyong piso  noong 2019 mula sa koleksyon ng bayad sa pagkuha at pag-renew ng business permit. 

Samantala, binigyang diin naman ni Mayor Gilbert Gatchalian na ang pagtaas ng halaga ng pamumuhunang pumasok sa Malolos ay resulta ng pagbuo sa BOSS o ang Business One-Stop Shop. 

Dito pinagsama-sama ang lahat ng mga ahensya at tanggapan ng pamahalaan na kailangan para sa pagkuha ng mga bago o kaya ay renewal ng business permit. 

Simula nang mabuksan ang BOSS sa city hall ng Malolos noong 2019, ang dating tatlong araw na pagproseso ay naging isang araw na lamang. Kaya’t naitala ng BPLO ang 90 porsyentong efficiency rate nito para sa mabilis na sistema alinsunod sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficiency Delivery of Government Services. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews