LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nag turn-over ang Department of Trade and Industry o DTI ng 8.7 milyong pisong halaga ng Shared Service Facilities o SSF sa pitong cooperators upang mas lalong maging produktibo ang mga micro small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan.
Ayon kay DTI Regional Director Judith P. Angeles, sa pamamagitan ng SSF mas magiging competitive ang mga MSMEs dahil sa mga makabagong teknolohiya at kagamitan.
Natutuwa din anya siya na makalipas ang anim na taon ay na-iturn over na ng DTI ang full ownership ng mga kagamitan sa pitong cooperators sa pamamagitan ng donation.
Sa ilalim ng SSF project, ang mga kwalipikadong cooperators sa isang industry cluster ay paglalaanan ng processing o manufacturing equipment para sa common use ng mga MSMEs.
Ang mga kagamitan ay mananatiling pag-aari ng DTI hanggang sa matapos ang kontrata o kasunduan at hanggang ang mga cooperators ay mapatunayan na kaya nilang ma-isustain ang pamamahala at paggamit ng pasilidad.
Kabilang sa pitong cooperators na tumanggap ng kagamitan ay ang a) Bagong Barrio Multi-Purpose Cooperative o MPC para sa Computerized Embroidery Machine, b) Casechcom MPC at c) San Francisco MPC para sa Food Processing, d) Luzon Dairy Cooperative at e) Sta. Maria MPC-Division of Catmon para sa Dairy Processing, f) Meycauayan Jewelry Industry Association para sa Fashion Accessories at g) Jewelry Making at San Miguel Waterlily Producers Association para sa Water Hyacinth Products Processing.