OBANDO, Bulacan — Target ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na maging “swimmable” ang bahagi ng Marilao-Meycauayan-Obando River System o MMROS sa Obando ngayong taon.
Sa ginanap na clean-up drive sa bunganga ng MMROS bilang pagdiriwang sa unang anibersaryo ng Battle for Manila Bay, sinabi ni Environmental Management Bureau Regional Director Wilson Trajeco na prayoridad ngayon na mahatak pababa sa 100,000 most probable numbers o mpn ang fecal coliform mula sa kasalukuyang 910,000 mpn.
Ipinaliwanag niya na kaya tumaas ang fecal coliform sa bahaging ito ng MMROS sa Obando dahil ginawang malawakang paglilinis sa upper stream nito na nasa barangay Iba Libtong sa lungsod ng Meycauayan.
Ayon kay DENR Bulacan Technical Division Chief Ofelia Conag, naging malawakan ang paglilinis sa Iba Libtong section ng MMORS.
Kumbaga aniya ay nabulabog iyong dumi na nagpapababaw sa ilog kaya dumaloy sa bahagi ng barangay Tawiran sa Obando.
Bahagi ito ng may 15 kilometrong bahagi ng MMORS na nilinis, hinukay at pinalalim bilang bahagi ng malawakang rehabilitasyon ng Manila Bay sa utos ni Pangulong Duterte noong Enero 2019.
Ang MMORS ay anyong tubig na dumadaloy mula sa lungsod ng San Jose del Monte na dumadaan sa mga bayan ng Marilao, sa lungsod ng Meycauayan, at Obando. Matatagpuan ang bunganga nito na nakakabit sa Manila Bay.
Kaugnay nito, may 13,793 na mga iligal na istraktura sa gilid ng nasabing ilog ang napatanggal na ng mga pamahalaang lokal ng Obando, Meycauayan at Marilao.
Sa isang pahayag, sinabi ni DENR Regional Executive Director Paquito Moreno Jr na kinakailangan ding lakipan nang positibong pagbabago sa sarili ang ginagawang pagsagip sa Manila Bay.