Dahil sa tindi ng demand globally, ay halos doble kayod ang mga manggagawa sa Medtecs International Corp.Ltd. sa Freeport Area of Bataan sa bayan ng Mariveles.
Ang naturang kumpanya ang lone producer ng mga surgical face masks sa bansa na kayang gumawa ng 80,000 masks kada araw o 1.8 milyong face masks kada buwan.
Kamakailan ay nagdonate ang kumpanya ng 500 thousand pieces ng face mask sa kasagsagan ng Taal Volcano Eruption nitong Enero 2020 na naipamahagi sa mga local government units.
Sa pamamagitan ng kalihim ng Department of Trade and Industry na si Ramon Lopez ay nakasecure ang gobyerno ng 400,000 piraso ng face masks o karagdagang 2 milyon piraso mula sa Medtecs.
Dahil na rin sa banta ng sakit na 2019 novel coronavirus o nCoV, sa halos lahat ng bayan sa buong bansa ay nagkakaubusan ng stocks ng face masks dahil sa pinapakyaw ito ng mga may kakayahang bumili ng maramihan habang ang ilang tiwaling traders ay napapabalita ring itinatago o hino-hoard ang suplay para maitaas ang presyo na mahigpit na binabantayan ngayon ng DTI.