LUNGSOD NG MALOLOS — Nagpapatupad ngayon ng standard infection control measures sa lahat ng pampublikong ospital sa Bulacan upang maiwasan ang pagpasok ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease o 2019 nCoV ARD sa lalawigan.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, kahit wala pang naitatalang kumpirmadong kaso ng 2019 nCoV ARD ay agaran silang umaksyon sa pangunguna ng Provincial Health Office para mabawasan ang takot ng mga Bulakenyop hinggil sa nakamamatay na virus gayundin ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon at pagkakaroon ng infectious control team sa bawat ospital.
Naglagay din ng isolation unit at holding area sa bawat ospital sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan kung sakaling magpakita ng sintomas ng 2019 nCoV ARD ang isang pasyente.
Dagdag pa dito, naka alerto ang mga rural health units, health centers at mga pribadong ospital kung sakaling magkaroon ng emergency habang nagpatupad din ng active surveillance sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit sa mga pasyenteng magpapatingin o ma-a-admit sa ospital.
Siniguro naman ni Fernando na kumpleto sila sa pasilidad at sumusunod ang mga ito sa direktiba ng Department of Health.