Dear Editor:
Sino ba ang may ayaw sa kapayapaan? Sino ba ang hindi naghangad ng kapayapaan para sa ating bansa o para sa buong mundo? Bakit may mga taong ginagamit lang ang salitang kapayapaan para makamit ang pansariling interes? Pangarap nga ba talaga nilang makamit ang kapayapaan o makamit ang kapangyarihan?
Noong Disyembre ng nakaraang taon ay binuksang muli ng administrasyong Duterte ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF. Ngunit bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito matuloy- tuloy? Ito ay dahil may mga kundisyones na naman pa lang hinihingi ang CPP-NPA-NDF bago magpatuloy sa usaping pangkapayapaan. Una na rito ay ang pagtanggi ni Joma Sison na ganapin dito sa Pilipinas ang peace negotiations. Pangalawa, dapat daw munang palayain ang mga political prisoners and consultants. At pangatlo, dapat munang pumirma daw sa mga kasunduang ginawa nila tulad na lamang ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o ang CASER.
Ano nga ba ang talagang nilalaman ng CASER na ito na matagal na nilang isinusulong? Layunin daw ng kasunduang ito na wakasan na ang limang dekadang insurhensiya sa bansa. Pero kung ating susuriing mabuti, ang dokumentong ito ay isa lamang prente sa kung ano talaga ang gusto nilang isulong. Ang dokumento ay base pa rin sa mga napapanahong isyu na ginagamit na nila mula pa noon hanggang ngayon para makuha ang loob ng taongbayan ngunit wala naman silang magandang rekomendasyon para masolusyunan ang mga ito. Ibig sabihin, imbes na magbigay sila ng mga paraan kung paano sosolusyunan ang mga problema ng ating bansa ay mas pinapalala pa nila ang mga problemang kinakaharap natin ngayon sa ating bansa. Imbes na suportahan nila ang mga programa ng gobyerno ay puro paninira sa kasalukuyang administrasyon ang nais iparating ng dokumento. Ang CASER ay isa na namang uri ng panlilinlang ng CPP-NPA-NDF. Nagpapatunay lamang ito na gusto nilang isulong ang peace talks hindi para makamit ang kapayapaan, kundi, para magtagumpay sila sa kanilang tunay na hangarin na isulong ang armadong pakikibaka at sila ang maging gobyerno.
Nananawagan po ako sa kung sino man ang makakabasa ng aking pahayag, sana po ay mamulat na tayo sa mga panlilinlang na ginagawa ng mga walang konsensiyang mga taong ito na walang ibang hangad kundi makapanloko ng kapwa para lang sa kanilang pansariling interes. Huwag po tayong basta- basta naniniwala sa kung ano ang nababasa, napapanuod o naririnig natin. Surrin po nating mabuti ang mga bagay- bagay bago tayo magdesisyon sa kung sino o ano ang dapat nating sundin o paniwalaan dahil sa huli hindi lang naman ako o ikaw ang makikinabang dahil tayong lahat, ang taong bayan din ay kasama o madadamay sa magiging resulta.
Robert M Marquez/ Lagangilang, Abra