Pinangunahan nina Senator Joel Villanueva at Secretary Isidro Lapeña ang groundbreaking ceremony ng itatayong P30 million dormitoryo at gym ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa (Regional Training Center Central Luzon RTCCL na matatagpuan sa Guiguinto, Bulacan kahapon (Huwebes) ng umaga.
Ang nasabing 2-storey dormitory ay mayroong maximum capacity of 50 trainees na 357 square meters ang kabuuang sukat habang 708 square meters naman ang Multi-Purpose Gymnasium.
Sa kaniyang mensahe pinayuhan ni Senator Villanueva na tinaguriang “Tesdaman” ang mga kasalukuyang trainees ng TESDA-RTCCL na gamitin ang tatlong “G”: Guhit/ Gana/ Ginhawa kung saan dapat aniyang mayroong Guhit o direksyon at plano ang mga estudyante para alam ng mga ito ang kanilang patutunguhan.
Kailangan din umanong mayroong Gana sa kaniyang ginagawa ang mga trainees para mas maging matagumpay at ang pangatlo Ginhawa kung saan iginiit ng senador na ano man ang ating ginagawa ay kailangan mayroong ginhawa itong resulta.
“Ang proyektong ito ay di lamang maghahatid ng quality skills training program kundi magbibigay din ito ng oportunidad ng magagandang trabaho para magtagumpay sa buhay,” ayon kay Villanueva.
Labis din ang pasasalamat ni Secretary Lapena para sa senador na siyang isa aniya sa dahilan upang maging matagumpay at maisakatuparan ang proyekto.
Kasama sa naturang seremonya sina Congressman Apol Pancho ng Bulacan 2nd District at Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr. at mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang direktang mangangasiwa ng konstruksyon.
Ayon kay Assistant District Engineer Aries Ramos ng Bulacan First District Engineering Office ng DPWH, sisimulan ang proyekto sa Pebrero 24 at tatapusin hanggang Oktubre 2020.
Kasabay ng nasabing seremonya ay ang pagtatapos ng mga trainees sa ibat ibang kurso sa nasabing training center.