Umabot sa 900 baboy ang sumasailalim sa culling procedure matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) sa isang farm sa Norzagaray, Bulacan nitong Sabado.
Ang nasabing mga alagang baboy ay matatagpuan sa Eco Agri Farm na pag-aari ng isang Edwin Ong na nasa Barangay FVR kung saan dito rin inilibing ang mga naturang baboy.
Ayon kay Agapito Pascual, ang municipal agriculturist ng Pamahalaang Bayan Norzagaray, pagkukuryente ang kanilang paraan ng pagpatay sa mga baboy sa loob ng compound mismo ng nasabing farm.
Dumaan din sa tamang protocol and procedures ang pagpatay sa mga baboy kung saan matapos ang isinagawang culling ay dinis-infect ang buong farm para makontrol ang virus.
Ayon kay Pascual, apat na backyard raiser na sakop ng 1km radius ang sasailalim din sa tatlong serye ng pagsusuri bilang bahagi ng protocol.
Sinabi naman ni Dennis Arceo, staff ng Municipal office na nagpadala agad si Norzagaray Mayor Fred Germar nang grupo para inspeksyunin ang mga babuyan sa nasabing lugar.
Ang grupo ay binubuo mula sa Agriculture,MENRO,rural health unit, BPLO at iba pa na may kinalaman sa naturang usapin.
Katuwang ng lokal na Pamahalaang ng Norzagaray ang Provincial Government na nagsagawa na rin ng mga blood testing kasabay ng mga preventive measures na isasagawa rito.
Nabatid na makaraang makitaan ng sintomas ang mga baboy ay agad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng farm sa lokal na Pamahalaang upang hindi na kumalat pa.
Patuloy naman ang kanilang pagbabantay sa mga farm at backyard raisers na posibleng maapektuhan ng ASF at nakahandang magbigay ng tulong ang pamahalaang bayan sa abot ng kanilang makakaya.