LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Humigit kumulang 83,200 magsasaka sa Gitnang Luzon ang nakinabang sa ipinamahaging libreng binhi ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
Ayon kay PhilRice Regional Coordinator for RCEF Fred Saludez, nasa 213,770 bags ng mga binhi o 95.2 porsyento na ang naipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka sa rehiyon na sinimulan Nobyembre nang nakaraang taon hanggang nito lamang katapusan ng Enero 2020.
Pinakamarami sa lalawigan ng Nueva Ecija na kung saan ipinamahagi ang nasa 71,029 bags ng binhi sumunod ang Pampanga na may 60,711 at Tarlac na may 34,852 bags.
Ito aniya ay pinangasiwaan katulong ang mga lokal na pamahalaan na tumutukoy sa mga benepisyaryo ng programa batay sa nakasaad sa batas na kinakailangang mga nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.
Pahayag pa ni Saludez, ang bawat benepisyaryo ay binibigyan ng ID at mayroong sariling reference code upang madali ang pagsasaayos ng mga datos at matiyak na nakararating mismo sa mga magsasaka ang mga naturang benepisyo at programa sa pagsasaka.
Kabilang sa ipinamahaging binhi ay mga national recommended variety tulad ng NSIC Rc 222, NSIC Rc 160, NSIC Rc 216 gayundin ang mga regional recommended variety na NSIC Rc 402 at NSIC Rc 480 na mula sa mga kinikilalang seed cooperative sa bansa.
Pagtitiyak ni Saludez, ang mga natanggap na libreng binhi ay mga dekalidad na produktong dumaan sa pagsusuri ng Bureau of Plant Industry at National Seed Quality Control Services.
Batay sa panuntunan, ang pinakamaraming maaaring makuha ng isang magsasaka ay nasa apat na bag ng binhi na kung saan ang bawat bag ay naglalaman ng 20 kilogram na sapat upang taniman ang nasa kalahating ektaryang bukirin.
Batay sa datos ng PhilRice ay mayroon pang natitirang 10,000 bag ng binhi sa iba’t ibang lokalidad sa rehiyon na maaari pang ipamahagi sa mga nangangailangang magsasaka.
Ang payo ni Saludez ay siguraduhing maayos ang pag-iimbak ng mga binhi, tiyaking nakalagay sa mga lugar na hindi naaarawan o naaanggihan upang maiwasang mamasa at masira.
Kung hindi maipapamahagi ang mga natitirang binhi ay dadaan muli sa pagsusuri kung maaari pang isama sa susunod na seed distribution program o ilalaan bilang donasyon sa mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development at Bureau of Jail Management and Penology.
Aabot sa 422,776 bags ang target na ipamahaging libreng binhi sa mga magsasaka sa rehiyon para sa darating na wet season na mas mataas kumpara nitong nakaraang programa na nag-target lamang ng humigit sa 324,000 bags.
Kaniyang binigyang diin na ang lahat ng mga magsasaka sa bansa ay kasali at maaaaring makatanggap ng mga libreng binhi mula sa RCEF.
Tiyakin lamang aniya na nakarehistro sa RSBSA o kaya ay magtungo sa mga tanggapan ng pagsasaka sa nakasasakop na munisipyo o siyudad upang makapagparehistro at mapabilang sa mga magiging benepisyaryo.
Samantala, kung mayroong tanong sa programang RCEF ay maaaring tumawag o mag-text sa hotline ng PhilRice na 09171117423 o kaya ay sa Department of Agriculture sa 09209462474.