140 tauhan, kailangan ng PSA Bulacan para sa National ID System

LUNGSOD NG MALOLOS — Nangangailangan ng 140 na karagdagang mga tauhan ang sangay ng Philippine Statistics Authority o PSA sa Bulacan para sa pagpapatupad ng National ID System sa lalawigan.

Ayon kay Julieta Gapate ng PSA-Bulacan, 100 dito ay magiging Data Encoders habang ang 40 ay magtatrabaho bilang Registration Officers. 

Sinumang nakapagtapos ng apat na taon sa kolehiyo, sa anumang kurso, ay maaring mag-aplay bilang Registration Officer habang tatanggapin ang mga nakapagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo o kumuha ng technical vocational course para sa posisyong Data Encoder. 

Sila ang bubuo sa may 20 team na idedestino upang umikot sa mga barangay sa Bulacan upang magproseso nang pagkuha ng mga impormasyong kailangan sa National ID. 

Sinumang interesado ay may hanggang Pebrero 28, 2020 upang magsumite ng aplikasyon sa tanggapan ng PSA Bulacan na nasa Villa Reyna Resort, Capitol View Road sa barangay Catmon sa lungsod ng Malolos.

Nakatakdang simulan sa Malolos ang pagpapatupad sa National ID System ngayong Mayo. 

Isa itong batas sang-ayon sa Republic Act 11055 o ang Philippine Identification System Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2018. 

Layunin nito na matulungan ang karaniwang Pilipino na maging madali na makatamo ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan at mapabilis ang pakikipagtransaksyon sa iba’t ibang ahensya. 

Ito rin ang magsisilbing tangi at opisyal na paraan upang matiyak ang pagkakakilanlan ng bawat mamamayan ng Pilipinas. 

Libre itong ipagkakaloob sa bawat mamamayan kung saan nakatala ang buong pangalan, kasarian, petsa at lugar ng kapanganakan, type ng dugo, tirahan, marital status, numero ng telepono o cellphone at e-mail address kung mayroon man. Makikita rin dito ang larawan ng mukha ng nakapangalan dito at fingerprints ng lahat ng daliri.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews