3 bagong daan sa Bulacan na pa-NLEX, sinimulan na

BOCAUE, Bulacan (PIA) — Magkakasabay na inilalatag ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang tatlong magiging bagong daan na papasok at palabas sa North Luzon Expressway o NLEX sa Bocaue. 

Una na riyan ang bagong apat na linyang daan mula sa Manila North Road o MacArthur Highway, sa kabayanan ng Bocaue, na ikakabit sa westbound ng bagong tayong Ciudad de Victoria interchange ng NLEX. 

Ayon kay DPWH Regional Information Officer Adora Sunga, may habang 1.91 kilometro ang inilalatag na kalsada mula sa MacArthur Highway at idudugtong sa Bocaue municipal road na nasa tapat ng munisipyo.

Ito namang Bocaue municipal road na may habang 640 linear meter, ay palalaparin mula sa dalawang linya tungo sa pagiging apat na linya. 

Ikakabit ito paakyat sa Ciudad de Victoria interchange. Kaya’t sa pagtatapos ng proyekto sa kalagitnaan ng taong ito, maari nang makadiretso nang mabilis ang mga sasakyan mula sa MacArthur Highway papunta sa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone.

Sa kabilang panig naman ng Ciudad de Victoria interchange o sa gawing eastbound, kinokonkreto na ang 1.93 kilometro na bagong kalsada na mag-uugnay mula rito patungo sa bayan ng Santa Maria. Bahagi ng proyekto ang konstruksiyon ng San Gabriel bridge upang makatawid ito patungo sa Santa Maria-Bocaue Bypass Road. 

At pangatlo ang 1.3 kilometro na bagong kalsada mula sa bahaging ito ng Santa Maria patungo sa barangay Patubig sa Marilao. 

Kabilang ang mga bagong daan na ito sa Bocaue, Santa Maria at Marilao na ginugugulan ng 635 milyong piso contract package ng DPWH. 

Layunin ng proyekto na maikabit ang mga bagong daan sa kabubukas lang na Ciudad de Victoria interchange.

Sa isa sa mga inspeksyon ni DPWH Regional Director Roseller Tolentino, ang tatlong mga bagong daan ay magsisilbing pinakamabilis na ruta na papasok at palabas sa NLEX nang hindi na dumadaan sa masikip na Governor Fortunato Halili Road. Sabay-sabay itong matatapos sa kalagitnaan nitong taong 2020. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews