Stone Mastic na aspalto, sinimulang ilatag sa NLEX

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Naglalatag ng bagong klase ng aspalto sa North Luzon Expressway o NLEX na hindi lumulundo kahit daanan ng mga mabibigat na sasakyan at mas mabilis sumipsip ng tubig kapag malakas ang ulan.

Iyan ang iprinisinta ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa ginawang inspeksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong tayong NLEX- Harbor Link sa bahagi ng Caloocan interchange at Malabon exit. 

Bahagi ito ng may 8.25 kilometrong elevated expressway na nagsisilbi na ngayong gateway ng mga kargamento mula sa Gitna at Hilagang Luzon, mula sa NLEX Mindanao Avenue exit patungo sa pier ng Maynila. 

Sinabi naman ni Luigi Bautista, Pangulo ng NLEX Corporation, ang Stone Mastic Asphalt ay angkop na angkop sa bahaging ito ng NLEX dahil tinatayang 30,000 mga trak ng kargamento ang dadaan dito araw-araw. 

Layunin nito na hindi magkabiyak biyak ang kalsada kapag sabay-sabay nang nagdaanan dito ang mabibigat na mga sasakyan. 

Karaniwang ginagamit ang Stone Mastic Asphalt sa runway ng mga paliparan na kayang sumalo ng mga dumadaan at lumalapag na eroplano. Ito na rin ang gagamitin sa kabuuang haba nitong expressway.

Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagkakatayo nitong 15 bilyong pisong proyekto ay patunay na malayo na ang narating ng tinaguriang “Golden Age of Infrastructure.” 

Tiniyak din niya na patuloy na magtatayo at magpapagawa ang pamahalaan ng mga bagong kalsada, upang lalong mapalaki ang ekonomiya ng bansa na magbibigay ng mga oportunidad sa trabaho na may magandang sahod. 

Ang kabuuang halagang 15 bilyong piso ay mula sa 9 bilyong pisong 5.65 kilometrong unang bahagi ng NLEX Harbor Link mula sa Karuhatan hanggang C-3 road at 6.5 bilyong piso para sa 2.6 kilometrong karugtong hanggang Radial Road 10.

Samantala, sa nalalapit na pagkukumpleto ng proyekto sa katapusan ng buwan ng Marso 2020, ang magiging biyahe ng mga trak ng kargamento ay magiging 10 minuto na lamang mula NLEX Mindanao Avenue Exit hanggang R-10 sa bukana ng pier ng Maynila. Kabilang ito sa mga pangunahing proyekto na kinukumpleto sa ilalim ng Build-Build-Build Infrastructure Program.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews