Nabiyayaan ng libreng alcohol ang mga mamamayan ng Samal, Bataan ngayong Lunes bilang bahagi ng sanitation drive ng pamahalaang bayan kontra sa pagkalat ng coronavirus o COVID-19.
Ayon kay Samal Mayor Aida Macalinao, bahagi ito ng isang toneladang alcohol na nai-donate ni Mayor Jun Tetangco ng Apalit, Pampanga para sa bayan ng Samal.
Ayon kay Samal Municipal Administrator and Human Resource chief, Aaron Cortez Rondilla, naging sistematiko ang naging pamamahagi ng LGU sa mga mamamayan sa 14 na barangay.
“Kinuha po namin ang mga bote sa mga bahay bahay at nirefill sa bawat barangay hall. Mismong ang mga barangay health workers at municipal health office staff namin ang namahagi sa bahay bahay,” pahayag pa ni Rondilla.
Nitong nagdaang Sabado ay pinangunahan mismo ng alkalde ang municipal-wide disinfection at sanitation drive bilang pagsunod sa preventive measures na ipinanukala ng DOH para makaiwas o mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa isinasagawang news briefing ni Bataan Governor Abet Garcia nito ring nagdaang Sabado ay iniulat nya ang mga hakbang na ipinapatupad ng pamahalaang panlalawigan alinsunod sa Executive Order ng Pangulo na nagdeklara ng State of Public Health Emergency.