LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Sasahod pa rin ang mga empleyadong job orders o JOs at kontraktuwal ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ngayong nakapailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine upang sugpuin ang coronavirus disease o COVID-19.
Iyan ang tiniyak ni Gobernador Daniel R. Fernando sa dagliang pulong ng Inter-Agency Committee for Response on COVID-19.
Sinabi ni Obet Saguinsin, hepe ng Provincial Human Resource Management Office, tinatayang may mahigit 600 ang bilang ng mga empleyado ng Kapitolyo na pawang mga JOs at kontraktuwal habang nasa mahigit 1,500 naman ang mga regular na empleyado.
Ipinaliwanag niya na JOs ang klasipikasyon kapag ito ay skill jobs gaya ng gardener, driver, janitor o iyong ibang nasa general services at kontraktuwal sa mga propesyunal gaya ng doctor, nars at iba pang gaya nito.
Para naman sa mga empleyado ng Kapitolyo sa sektor ng kalusugan gaya ng mga nasa Bulacan Medical Center o BMC at mga district hospitals, sinagot na rin ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang araw-araw na suplay ng pagkain habang naka-duty.
Ito ay iiral habang nakapailalim ang Luzon sa community quarantine alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Duterte na nasa State of Public Health Emergency ang Pilipinas.
Bukod dito, nagpahayag si Dr. David Rawland M. Domingo, hepe ng BMC, na sa kasalukuyan ay may 49 na Personal Protective Equipment itong ospital at may 29 pang naka standby. Bawat araw naman ay gumagamit ang naturang ospital ng 125 na piraso ng mga N-95 masks.
Dahil dito, tiniyak ni Fernando na tutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga empleyadong nasa frontline ng public health.
Kaya’t nagbigay siya ng direktiba sa finance cluster ng pamahalaang panlalawigan na magkaroon ng adjustment o amyenda sa umiiral na provincial budget.
Kaugnay nito, aarkila ang Kapitolyo ng mga public utility vehicles upang magsilbing shuttle ng mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan na mapapabilang sa mga skeletal force.
Iba pa rito ang mga tukoy na mga sasakyan ng Kapitolyo na ipapagamit din sa mga empleyadong hindi madadaanan nang maaarkilang mga sasakyan.
Ito’y bilang tugon sa public transportation ban na bahagi ng ipinaiiral ng Luzon enhanced community quarantine.