GUIGUINTO, Bulacan — Sabay-sabay ngayong gumagawa ng facemasks ang mga empleyado ng iba’t ibang training schools na nakarehistro sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Ito’y upang makagawa ng 12 hanggang 15 libong mga facemask na target ipamahagi sa mga pampubliko at pribadong ospital sa Bulacan.
Ayon kay TESDA Provincial Director Joven Ferrer, nagtutulung-tulong sa pamamagitan ng “work-from-home” ang mga empleyado ng nasabing mga training schools bilang boluntaryong kontribusyon sa paglaban sa sakit na coronavirus disease o COVID-19.
Bukod dito, nauna nang nakagawa ang mga ito ng may 500 mga face shields na naipadala na sa mga frontliners sa mga ospital.
Kabilang ang facemasks at face shields sa mga pangunahing kagamitang pangproteksyon sa pangangatawan, partikular na sa mukha, laban sa sakit na COVID-19.