LUNGSOD NG CABANATUAN – Ipinanawagan ni Governor Aurelio Umali na igalang ang proseso o panuntunang ipinaiiral ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force on COVID-19 sa pagtugon sa naturang sakit.
Ayon kay Governor Umali, ang NE IATF ay patuloy na magbabantay, tutugon at mag-uulat ng mga impormasyon sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos kontra sa paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19.
Hindi aniya agad sumasagot o nagkokomento ang konseho sa mga lumalabas na impormasyon na may kaugnayan sa kumpirmasyon ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan dahil kinakailangang matiyak ang detalye at ipaalam mismo sa pasyente ang sariling kalagayan gayundin ng kaniyang pamilya at ng lokal na pamahalaang nakasasakop upang makagawa agad ng hakbang.
Pahayag pa ng gobernador, hindi basta-basta nag-aanunsiyo ang konseho dahil sensitibo ang usaping ito na maaaring makapagdulot ng maling haka-haka o kaisipan sa publiko.
Pahayag ni NE IATF Spokesperson Arnold Abelardo, mahalaga ang pagtutulungan at pakikiisa ng lahat upang maiwasang magkaroon ng pangamba at takot ang publiko sa kinahaharap na suliraning pangkalusugan.
Kaniyang paglilinaw, batay sa batas ay ipinagbabawal na ilathala ang pagkakakilanlan ng pasyente upang mapangalagaan ang kaniyang kaligtasan at ng pamilya.
Kung ninanais makakuha ng impormasyon hinggil sa estado ng lalawigan sa paglaban sa sakit na COVID-19 ay tumutok sa mga anunsiyo ng task force sa pamamagitan ng opisyal nitong social media account na “Malasakit sa Kalusugan ng Novo Ecijano: COVID-19 News Updates.”
Kaugnay nito ay lubos ang pasasalamat ng provincial task force sa mga opsiyales ng barangay at mga lokal na pamahalaang gumagawa ng iba’t ibang pamamaraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan sa kabila ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Panawagan ni Umali ay bigyang halaga ang pagsunod sa mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan partikular ang pakiusap na manatili lamang sa tahanan na malaking ambag sa mga pagsisikap ng mga fronline workers na tumutupad ng tungkuling mapigilang lumaganap ang COVID-19 sa lalawigan.