Checkpoint sa lungsod ng Gapan, mas hihigpitan

LUNGSOD NG GAPAN — Iniutos ni Gapan Mayor Emerson Pascual ang mahigpit na pagbabantay sa apat na checkpoint papalabas at papasok ng lungsod.

Layunin nitong pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga nasasakupan kontra sa pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.

Umabot na aniya sa anim ang positibong kaso ng COVID-19 sa lungsod batay sa datos umaga ng Marso 30 na pinakarami sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.

Panawagan ni Pascual, huwag nang hintaying dumami pa ang kaso ng sakit bago maghigpit at sumunod sa Enhanced Community Quarantine upang makaiwas sa panganib dulot ng COVID-19. 

Kaugnay nito ay inutos ng alkalde na hindi na papapasukin sa siyudad ang mga hindi residente ng Gapan upang maiwasang maulit ang nangyaring pagpasok ng pasyenteng positibo sa COVID-19 sa lungsod. 

Para sa mga residenteng naghahanapbuhay sa ibang lugar ay sasagutin ng pamahalaang lungsod ang gastusin sa tirahan at pagkain upang hindi na pabalik-balik ang uwi bilang pag-iingat sa sarili at mga mahal sa buhay.

Sasagutin din ng pamahalaang lokal ang gastusin sa pansamantalang tirahan at pangkain ng mga trabahador sa lungsod na residente ng ibang mga bayan o siyudad.

Aniya, ito ang nakikitang pamamaraan upang hindi na kumalat ang virus sa lungsod at malimitahan ang mga naitatalang person under monitoring at person under investigation dahil sa COVID-19.

Mahigpit pang bilin ni Pascual, kasama sa ipinagbabawal ay ang pagtambay, pagsusugal, at paglalasing lalo sa lansangan. 

Mayroon na aniyang isang nahuling kawani ng pamahalaang lungsod ang natanggal sa trabaho at nakakulong dahil sa mga paglabag sa mga naturang kautusan. 

Kaniyang panawagan sa mga nasasakupan ay maging responsable at isipin ang sariling kaligtasan sa pamamagitan ng pananatili lamang sa mga tahanan. 

Walang dapat ikabahala dahil nag-tatrabaho ang pamahalaang lungsod upang matugunan ang mga pangangailangan ng bawat tahanan gaya ang pamamahagi ng pangangailangang pagkain gaya bigas, itlog, manok, isda at gulay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews