LUNGSOD NG MALOLOS — Nagkaloob ang kapulisan ng 22 kumpletong set ng personal protective equipment o PPEs sa Bulacan Medical Center o BMC.
Personal na ipinagkaloob nitong Biyernes ni Acting Police Provincial Director PCol. Lawrence Cajipe ang mga PPEs at iba pang kailangang suplay laban sa coronavirus disease o COVID-19 gaya ng libu-libong hand gloves, daan-daang face shields at face masks gayundin ng dalawang aerosol boxes.
Dagdag pa dito, may ilang dating empleyado ng Provincial Health Office-Public Health at 4-2 Express Marcelo H. del Pilar High School Batch ’77 ang nagkaloob ng 46 piraso ng PPEs.
Ayon kay Cajipe, mas kailangan ng mga health workers ang mga PPEs bilang mga frontliner at lalo na ang mga ito’y nakaduty sa ospital.
Nagpahayag din siya ng suporta sa lahat ng mga health worker at sinigurado na sila’y ipagtatanggol kung kinakailangan.
Nagpasalamat naman si BMC Director Rawland Domingo sa naturang donasyon na napakalaking tulong para sa kaligtasan at seguridad ng mga frontliner habang sila ay nagsisilbi sa mamamayan.