46 na ang COVID-19 positive sa Bulacan, Mayor umalma sa pinauwing COVID patient

BULACAN — Umabot na sa apatnapu’t-anim ang nag-positibo sa coronavirus (Covid-19) disease sa lalawigan ng Bulacan kung saan labing-tatlo rito na ang nasawi habang dalawa naman ang nakarekober ayon sa Provincial Health Office.

Ang mga Covid patient ay mula sa labing-apat na lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Bulacan at karamihan dito ay mula sa Lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte habang 1,846 ang active PUI/ PUM at 3,602 naman ang cleared PUI/PUM.

Samantala, masama ang loob at kinondena ni Pandi Mayor Rico Roque ang pamunuan ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) at Baliwag District Hospital matapos pauwiin ang isang coronavirus (Covid-19) patient sa kanilang bayan kahit hindi pa umano ito cleared o fully recovered.

Ayon kay Roque, basta na lamang nila nalaman na pinauwi nitong Lunes ng gabi ang Covid-19 patient nang hindi man lang nakipag-coordinate sa lokal na pamahalaan ng Pandi gayung mayroong municipal guidelines/ protocol silang pinaiiral sa nasabing bayan.

Aniya, dapat munang ipaalam sa kanila ang pagpapauwi sa pasyente dahil ito ay isasailalim pa sa ilang araw na quarantine sa kanilang quarantine facility na matatagpuan sa Barangay Poblacion.

“Nakakadismaya dahil kami dito sa munisipyo ay ginagawa namin ang lahat ng guidelines, di man lang kami inabisuhan nang mapaghandaan namin ang mga kinakailangang gawin sa pasyente. Para saan pa itong quarantine facility?,” ani Mayor Roque.

Nabatid na pinayagan ng PHO ang Baliwag District Hospital na pauwiin ang Covid-19 patient dahil asymptomatic na ito kung napagalaman na hindi na sumailalim sa re-confirmatory test dahil walang available na test kit, ayon sa TV interview kay Dra Joy Gomez, PHO director.

Sa ngayon ay nababahala ang mga residente sa barangay kung saan naninirahan ang pinauwing covid patient pero tiniyak ng alkalde na ginagawa na ng pamahalaang lokal ang mga hakbangin kaugnay sa nasabing isyu.

Ayon kay Roque, 3 weeks nang nag-ooperate ang itinayong quarantine facility sa Barangay Poblacion na mayroong 25 rooms at kasalukuyan na rin itinatayo ang isa pang  pasilidad sa Barangay Mapulang Lupa. 

Dito umano dinadala at sasailalim sa quarantine ang mga persons under investigation at under monitoring partikular na ang mga balikbayan, ayon sa alkalde.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews