BALANGA CITY— Bago pa man ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon, may isang lugar na inihanda sa Barangay Alion sa Mariveles, Bataan para sa mga lumang watawat ng Pilipinas.
Ito ay nasa mismong harapan ng Barangay Hall ng Alion na mistulang isang munting dambana para sa mga bayani.
Sa isang panayam ng mga lokal na mamamahayag, sinabi ni Barangay Alion Punong Barangay Al Balan, ang bandila ng bansa ay sumisimbolo sa saksripisyo ng mga ninuno para sa kalayaan at hindi dapat pabayaang mayurakan ninuman.
“Ang watawat na ipinaglaban hanggang sa kamatayan ng mga ninuno ay huwag pababayaang yurakan ninuman. Dapat manatili ang matingkad nitong kulay na simbolo ng ating mayamang kultura at kasaysayan,” pahayag pa ni Kap. Balan.
Dagdag pa ni Kapitan Al Balan, ang pambansang watawat ay pwedeng ihalintulad bilang kaluluwa ng bansa na anya’y nagpapakita sa pananampalataya sa Diyos, pag-unlad ng mamamayang Filipino at kumakatawan sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act 8491, o ang Flag and Heralding Code of the Philippines, ang mga lumang watawat ay dapat sumailalim sa ‘proper disposal’ sa pamamagitan ng pagsunog upang maiwasang hindi na ito magamit pa sa maling paraan.
Samantala, sa seremonya ay ipinakita rin ang 10 bandila na nagpapakita ng pagbabago sa watawat ng Pilipinas mula sa watawat na sumasagisag sa Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan (KKK) hanggang sa bandilang ginagamit sa kasalukuyan.
Layon ni PB Balan sa naturang himlayan ng mga lumang watawat na imulat ang mga kabataan sa kahalagahan ng pagrespeto sa pambansang watawat bilang bahagi ng pagiging makabayan at pagmamahal sa bansang Pilipinas.
Matapos sunugin ay inililibing o ibinaon ang abo ng mga sinunog na watawat sa itinalagang himlayan nito sa naturang barangay.
Noong taong 2017, unang nasaksihan ito nang pangunahan ng City at Provincial Offices ng Department of Education sa Bataan at ng Girl Scout of the Philippines Bataan Council ang “paghihimlay ng mga lumang pambansang watawat” sa isang pormal na seremonya nitong sa loob ng Camp Cirilo Tolentino sa Balanga City.