DOLE nagbigay ayuda sa may 46,368 manggagawa sa Gitnang Luzon

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Humigit kumulang 46,368 manggagawa sa pribadong sektor na napapabilang sa tinatawag na “formal sector” ang tumanggap ng tig-limang libong pisong ayuda mula sa Department of Labor and Employment o DOLE.

Layunin ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP ng ahensya na tulungan yung mga apektado ng flexible work arrangements o temporary closure dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Ayon kay DOLE Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita, nasa ikapat na linggo na sila ng processing at evaluation ng mga isinumiteng aplikasyon ng mga apektadong establisyemento. 

As of April 13, nakapagrelease na ang DOLE ng 231.84 milyong pisong halaga ng ayuda para sa 46,368 manggagawa mula sa 2,079 establisyemento sa rehiyon.

Sa numerong yan, may 891 manggagawa mula sa 83 establisyemento sa Aurora; 5,881 manggagawa mula sa 212 establisyemento sa Bataan; 12,353 manggagawa mula sa 417 establisyemento sa Bulacan; 3,658 manggagawa mula sa 254 establisyemento sa Nueva Ecija; 15,666 manggagawa mula sa 651 establisyemento sa Pampanga kabilang na ang Clark; 2,941 manggagawa mula sa 226 establisyemento sa Tarlac; at 4,978 manggagawa mula sa 236 establisyemento sa Zambales.

Dagdag pa ni Angara-Campita na nauunawaan nila ang pangangailangan at sentimento ng mga apektado partikular ang mga daily-wage earners.

Kaya naman ginagawa nila ang abot ng kanilang makakaya upang ma fast-track ang pagproseso ng iba pang aplikasyon.

Ang pamamahagi ng naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. 

Bukod sa DOLE, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews