BALANGA CITY — Naitala na sa 42 ang nagpositibo sa Covid-19 sa Bataan habang 15 na ang napaulat na nakarekober.
Ito ang latest update ngayong Mierkoles ni Bataan Governor Abet Garcia base sa report ng Provincial Health Office.
“Sa huling ulat ng PHO, umabot na po sa 42 ang bilang ng mga kababayan nating nagpositibo sa COVID-19. Ang mga bagong pasyente ay isang 63 taong gulang na babae mula sa Mariveles, isang 42 taong gulang na babae mula sa Mariveles, at isang 32 taong gulang na babae mula sa Orani na pawang mga healthcare workers. Sa kabuuan, labing isa (11) sa kanila ay mga doktor, apat (4) ay mga nurses, at apat (4) ay mga health workers,” pahayag ni Gov. Garcia.
As of 10:00am, April 15, 2020, labing lima (15) na ang nakarecover sa mga Bataeños na nagpositibo sa COVID -19.
Ang mga bagong nakarecover na pasyente ay sina PH1993 F70, isang doktor na mula sa Lungsod ng Balanga at PH3662 na isang buwang gulang na sanggol na lalaki mula sa Mariveles na kasalukuyang tinatapos ang post discharged quarantine.
Ang bilang ng mga PUM ay umabot na sa 2,529; ang mild PUI ay 818; moderate to severe PUI ay 236; at tatlo ang pumanaw na.
“Patuloy ko pong hinihiling ang inyong kooperasyon at pagsunod sa patakaran ng ECQ na manatili sa ating mga tahanan at kung may mahalagang dahilan ang paglabas ng tahanan, gawin ang social distancing. Sa ating pagtutulungan, pagmamalasakitan, pag-uunawaan at sa awa at gabay ng ating Panginoon, mapagtatagumpayan natin ang mabigat na pagsubok na ito,” pakiusap ng Gobernador. (MHIKE CIGARAL)