Kapitolyo ng Bulacan namahagi ng mga punla, binhi ng gulay

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagpamahagi ng may 48,896 na mga punla at 245 na kilo ng mga binhi ng sari-saring gulay ang Provincial Agriculture Office o PAO.

Ito’y bilang bahagi ng mga ayuda na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa mga Bulakenyong naaapektuhan ng umiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine. 

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, layunin nito na matiyak ang seguridad sa pagkain mula sa mismong tahanan. 

Dahil wala anyang katiyakan kung hanggang kailan ang magiging hamon kaugnay ng sakit na coronavirus disease, hindi maaring panay mga de-latang pagkain ang kakainin ng bawat pamilya. 

Makakatulong din ang pagtatanim ng mga gulay upang gawing produktibo ang mga oras na inilalagi sa bahay. 

Kabilang sa mga uri ng punla at binhi na ipinamahagi ay kamatis, siling panigang, talong, okra, mustasa, kalabasa at sitaw.

Naglalaman ang bawat isang seedling tray ng 128 na mga punla. Nasa mga pakete at lata naman ang mga binhing aabot sa 245 na kilo.

Ang pagkakaiba ng punla sa binhi, may usbong nang mga dahon habang ang binhi ay mga buto pa. 

Ipinadala ito ng PAO sa mga municipal at city agriculture office o mga MAO at CAO kung saan doon maaring makahingi ang mga naninirahan sa barangay sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando. 

Ipinaubaya na ng PAO sa mga 21 MAO at 3 CAO kung tig-iilan ang kanilang ipagkakaloob sa mga tahanan na depende sa espasyo ng lupa na uubrang taniman. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews